Dahil sa alegasyon ng iregularidad, opisyal nang pinawalang-bisa ng Professional Regulation Commission (PRC) ang special licensure exam na isinagawa noong Setyembre 24-25 sa Jeddah, Saudi Arabia para sa mga Pinoy engineer na nakabase roon.
Base sa Resolution No. 2016-992, nagdesisyon ang PRC na pawalang-bisa ang resulta ng Mechanical Engineering Licensure Examination (MELE) dahil sa sobrang taas ng grado ng karamihan ng kumuha ng pagsusulit, na pinagdudahan ng ahensiya.
“The initial validation of the test by the PRC Consultant for Test Construction and Statistics showed a high probability that there was human intervention which facilitated the high passing percentage in the testing center in Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia,” ayon sa PRC.
Dahil dito, bumuo ang PRC ng fact-finding committee upang imbestigahan ang kuwestiyonableng resulta ng eksaminasyon.
“Wherefore, on the motion duly seconded, the Commission resolves, to cancel and nullify the results of the September 24-25 2015 SPLBE (Special Professional Licensure Board Examination) on Mechanical Engineering held in Jeddah, KSA,” giit ng ahensiya.
Isang daan at apatnapu’t siyam na Pinoy ang kumuha ng pagsusulit na pinangasiwaan ng PRC sa Abu Dhabi, United Arab Emirates; Al-Khobar, Jeddah, at Riyadh, Saudi Arabia; Doha, Qatar; at Kuwait noong Setyembre.
Dalawampu’t isa sa mga kumuha ng MELE ang pumasa, habang iniimbestigahan pa rin ng Board of Mechanical Engineering ang resulta ng eksaminasyon ng 20 iba pa, ayon sa ulat. (SAMUEL P. MEDENILLA)