NANG isabatas ang Centenarian Act of 2016, ‘agad nagsulputan ang katanungang: Mayroon pa bang umaabot ng 100 taong gulang ngayon? Ang nabanggit na batas ay pinagtibay ng Aquino administration, ilang araw bago ito hinalinhan ng Duterte leadership.
Itinatadhana nito ang pagkakaloob ng P100,000 regalo sa sino mang senior citizen na magdaraos ng kanyang centennial year o higit pa; may kalakip itong sertipiko ng pagbati mula sa Presidente ng Pilipinas.
Nakagagalak mabatid na mayroon pa rin namang mga nakatatandang mamamayan na mapalad na umaabot sa 100 taon o higit pa. Katunayan, maraming local government unit – bayan, siyudad at lalawigan – ang matagal nang nagkakaloob ng gayong regalo sa mga senior citizen na may kaakibat pang simple subalit makabuluhang seremonya. Dangan nga lamang at dumadalang na rin ang centenarians, lalo na kung isasaalang-alang na 70 taon lang ang life-span ngayon. Ang kanilang buhay ay pinaiigsi ng mga pakikipagsapalaran at sakripisyo.
Sa kabila nito, marami ang naniniwala na ang Centenarian Act ay naghahatid ng makatuturang mensahe o hangarin para sa mga senior citizen. Hinihikayat sila upang pahabain ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kanilang magandang kalusugan; maingat sa pagkain at pagsunod sa kahit man lamang sa magaang pag-eehersisyo o light exercise.
Maliit ang P100,000 at bale-wala ang presidential certificate, kung sabagay, upang pilitin ng mga senior citizen na pahabain ang kanilang buhay. Tulad ng paniniwala ng lahat, ang kanilang hangarin upang manatili sa daigdig sa mahaba-habang panahon man lamang ay nakaangkla sa kagustuhan ng Panginoon.
Totoong bihira na ang umaabot sa 100 taon. Hindi naman marahil kalabisang banggitin, ang aming ama ay nabuhay hanggang 95-anyos; si Lolo ay 93, samantala si Lola ay 99. Sa pagpapatibay ng naturang batas, tila nanghihinayang pa ang gobyerno sa pagkakaloob ng P100,000 sa mga centenarian.
Dahil dito, hindi ba ang dapat inatupag ng nakaraang administrasyon ay pagsasabatas ng mga panukala na magbibigay ng benepisyo sa mga mamamayan, lalo na nga sa mga senior citizen? Naipadama sana nito ang tunay na habag at malasakit kung hindi ibinasura ang Pension Hike Law na nagdadagdag ng P2,000 sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS). Dangan nga lamang at ang naturang batas ay mistulang pinatay ng makapangyarihang veto power ng dating Pangulong Aquino.
Sana ay matauhan ang bagong administrasyon upang buhayin ang nasabing batas bilang pagpapatunay na ito ay may puso para sa mga SSS pensioner. (Celo Lagmay)