Nahaharap na naman ngayon sa panibagong kaso ng graft sa Sandiganbayan si dating Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang mga proyekto nito noong alkalde pa ito ng lungsod.
Sinampahan si Echiverri ng dalawang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019 dahil sa maanomalyang proyekto sa drainage at pagpapatayo ng barangay hall noong alkalde pa ito ng siyudad.
Isinagawa ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso makaraang mapatunayan ng hukuman na nagkasala ito sa naturang kaso.
Sinampahan din ng kaparehong kaso at falsification of public documents ang dating city accountant na si Edna Centeno, at ang city budget officer na si Jesusa Garcia.
Sa record ng kaso, inaprubahan ni Echiverri ang P4.9-milyon proyekto para sa improvement ng drainage system sa Antipolo Street sa Barangay 30 noong 2013.
Noong 2011, inaprubahan din ng alkalde ang pagpapatayo ng barangay hall ng Bgy. 154, na ginastusan ng P5.4 milyon.
“The Commission on Audit (CoA) noted irregularities in the projects, such as the lack of specific appropriation ordinances and the absence of an approval from the Sangguniang Panlungsod (SP). The COA issued notices of disallowance for the two projects in 2013,” saad sa desisyon ng Ombudsman. (Rommel P. Tabbad)