Onsehan sa transaksiyon sa ilegal droga ang tinitingnang dahilan ng awtoridad sa pagpatay sa isang kilabot na drug pusher sa kanilang lugar sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Tondo Memorial Medical Center si Ronald San Ramon, 31, miyembro ng Sputnik Gang, at residente ng 117 Ampioco Street, Tondo, Maynila, ngunit nasawi rin bunsod ng tinamong isang tama ng bala sa gitna ng dibdib.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na nakilala lang sa alyas na “Kalbo”, residente ng Malaya Street, Balut, Tondo.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 1, na pinamumunuan ni Supt. Redentor Ulsano, nangyari ang insidente sa Ampioco Street sa Tondo, dakong 2:15 ng madaling arw.
Sa salaysay sa pulisya ni Frutito Nuevo, tanod ng Barangay 138, Zone 12, nabatid na nakarinig sila ng isang putok ng baril at nang kanyang tingnan ay bumulaga sa kanya ang duguang biktima habang nakahandusay sa isang madilim na eskinita.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na posibleng nag-ugat sa onsehan sa transaksiyon sa ilegal na droga ang pamamaril kay Ramon.
Kilala umano ang biktima sa kanilang lugar bilang isang drug pusher at user at kabilang rin sa drug watch list ng MPD-Station 1. (Mary Ann Santiago)