SA iba’t ibang bahagi na ng bansa naiuulat na may pinatay ang mga pulis dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga. Engkuwentro dahil lumaban ang mga napatay habang sila ay inaaresto, ang sinasabing dahilan ng mga pulis. Ito kasi ang katwiran na ibinigay ni Pangulong Digong, na kapag ang inaaresto ng pulis ay lumaban at nalagay ang kanyang buhay sa panganib, puwede niyang patayin ang kanyang inaaresto. Tama naman ang Pangulo, dahil nasasaad ito sa Revised Penal Code.

Pero, iyong sinasabi ni Pangulong Digong na huwag siyang pakialaman sa hangarin niyang masugpo ang kriminalidad, lalo na ang ilegal na droga, ay hindi puwedeng mangyari. Kapag may namatay, anuman ang ipinalalabas na dahilan, sa ginawang operasyon ng pulis, puwedeng mag-imbestiga ang Kongreso at Commission on Human Rights (CHR).

Ang hilingin niya sa mga ito na huwag siyang pakialaman, dahil alam naman niya ang legal sa ilegal, ay walang batayan sa batas. Hindi rin dahilan na siya ay nagwaging Pangulo, sa pangako niyang ibabalik ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno. Kung may tungkulin siya sa taumbayan, mayroon din ang Senado at ang CHR. Pareho nilang dapat pairalin ang rule of law at due process.

Katunayan nga, sa kasong Valmonte vs. Integrated National Police (INP) et. al., inatasan ng Korte Suprema ang National Police Commission (NaPolCom) na kapag may pinagsuspetsahang gumawa ng krimen at napatay, dapat ay imbestigahan niya ito. Alamin kung sino ang pumatay at ang dahilan ng pagkamatay. Hindi na kailangan pang maghintay ng pormal na reklamo ng mga kamag-anak ng napatay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kapag nabatid kung sino ang pumatay at inamin niya na siya ang pumatay, inaatasan din ng korte ang imbestigador na magsampa ng kaso sa husgado na magpapasya kung ang pagpatay ay nagawa ng pulis sanhi ng pagdepensa niya sa sarili, kamag-anak, ibang tao o pagtupad sa tungkulin.

Iniutos din ng Korte sa INP na ipaalam kaagad sa nakatataas na opisyal at Napolcom ang bawat pagpatay sanhi ng pagdakip sa pinagsuspetsahang kriminal para imbestigahan at gawan ng nararapat na hakbang.

Kaya, kung ayaw din lang tumigil ang mga pulis sa pagpatay sa mga umano ay kriminal at sangkot sa droga, hindi puwedeng pigilin ng kahit sino, maging ni Pangulong Digong, ang imbestigahan ang mga nakapatay, kasuhan sila sa korte at doon sila magpaliwanag. (Ric Valmonte)