Binuksan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang complaint desk para tumanggap ng mga reklamo laban sa ilegal na towing operations at iba pang problema.

Bahagi ito ng isinasaayos na transaksiyon ng mga towing company sa mga may-ari ng sasakyang nahahatak at dinala sa impounding area ng ahensiya sa Ortigas, Pasig City.

Nagbukas ang MMDA ng isang redemption center na para lamang sa mga accredited towing company sa loob ng impounding complex, at doon ay mas maginhawa na ang magiging transaksiyon ng magkabilang panig.

“Previously, transactions are held at nipa huts, there was no building. With the new offices, there can be a color of authority, there is respect to the towing personnel,” sabi ni Victor Nuñez, hepe ng towing operations.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, ang complaint desk ay pangangasiwaan ng mga tauhan ng MMDA upang matiyak na matutugunan ang anumang concerns ng motorista, partikular na ang reklamo sa ilegal na towing.

Sinabi ni Nuñez na magkakabit din ang MMDA ng mga closed circuit television (CCTV) camera sa pasilidad upang matiyak ang transparency sa mga transaksiyon.

Bukod dito, maaari ring ipadala ng mga motorista ang kanilang mga reklamo laban sa mga abusadong towing company sa pamamagitan ng Pureforce Citizens app, na maaaring i-download sa alinmang smartphone.

Libreng mada-download, maaari ring gamitin ang app ng mga nais humingi ng tulong para sa anumang emergency, partikular na sa lansangan. (Anna Liza Villas-Alavaren)