Mga laro ngayon
(MOA Arena)
6:30 n.g. -- Turkey vs Canada
9:00 n.g. -- France vs Philippines
Gilas vs France, sa opening day ng FIBA Olympic Qualifying.
Masusukat ang kahandaan ng Gilas Pilipinas sa pakikipagtuos sa liyamadong France ngayon para sa unang hakbang ng Pinoy cagers sa bagong lakbayin para makabalik sa Olympic basketball.
Makakaharap ng Gilas ang France, pagbibidahan ni two-time NBA champion Tony Parker ng San Antonio Spurs, ganap na 9:00 ng gabi sa Group B stage ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Magkakasubukan naman ang No.8 Turkey at No. 25 Canada sa 6:30 ng gabi sa Group A preliminary match.
Isang slot lamang para sa Rio Games ang nakataya sa torneo kung kaya’t buhos ang lahat at walang dapat na masayang na pagkakataon.
“Kung baga, makikipag-patayan na tayo rito. Wala ng bukas, do-or-die ang kailangang tingin namin sa bawat laban,” pahayag ni Gilas forward Marc Pingris.
Nakawala sa kamay ng Gilas ang pagkakataong makasungkit ng slot sa Rio Games sa Agosto 5-21 nang mabigo sa China, 78-67, sa championship match ng Fiba Asia Championship noong Oktubre sa Changsha, China.
Tulad ng Gilas, matindi rin ang pangangailangan ng France na kinapos din sa kanilang kampanya para sa Olympic berth nang masibak sa European Olympic qualifying.
“It’ s my last one and I already said it’s my last time playing with the national team,” pahayag ni Parker.
“Hopefully I can finish on a a great note and help us qualify for Rio,” aniya.
Bukod kay Parker, inaasahang magbibigay ng sakit ng ulo para kay Gilas coach Tab Baldwin ang iba pang key players ng koponan tulad nina NBA mainstay Boris Diaw, Nicolas Batum at Nando de Colo.
Gayunpaman, hindi magpapatinag ang Pinoy na sumabak sa matinding pagsasanay, kabilang ang pagsabak sa European Tour para masiguro ang kahandaan sa torneo.
Batay sa format, maglalaro sa single round elims ang magkakagrupong koponan at uusad sa crossover semifinals ang mangungunang dalawa sa magkabilang grupo.
“Siyempre lahat gagawin namin.Hindi kami nangangako at umaasa ng panalo pero hindi namin palalampasin yung opportunity na makakalaban namin sila at maipakitang di kami takot kahit mga NBA players pa sila,” pahayag ni Pingris sa media interview sa pagdalo sa welcome dinner para sa mga kalahok na koponan nitong Linggo sa Westin Philippine Plaza Hotel.
Bagamat itinalagang liyamado, ayaw namang magkumpiyansa ng husto ng France sa kanilang tyansa.
“There’s always a lot of pressure since I’ve been with the national team.We respect everybody and it’s going to be a tough tournament. There’s a lot of great teams and we just want to look at it one game at a time and stay focused,” pahayag ni Parker.
Samantala, hiniling ng Gilas sa mga tagahanga na itodo na ang pagsuporta sa Philippine Team sa pamamagitan ng pagsusuot ng puting t-shirt sa kanilang panonood sa laro laban sa France at asul na damit sa kanilang pakikipagtuos sa New Zealand sa ikalawang laro.
Nais ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na ipakita ng mga Gilas supporters ang kanilang pagkakaisa sa pagsuporta sa kampanya ng pambansang koponan.
Ang pagkakaisa at suporta ng tinaguriang sixth man ay makatutulong laban sa world ranked team. (marivic awitan)