Pormal nang inirekomenda ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa dalawang Taiwanese na nakumpiskahan ng P195 milyon halaga ng shabu nitong Hunyo.

Ito ay makaraang makitaan ng probable cause ni DoJ Assistant State Prosecutor Mary Jane Sytat upang kasuhan sina Tseng Shien Ming at Huang Zheng Kai ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Both respondents Tseng and Huang acted in conspiracy with each other in that each of them performed specific acts with closeness and coordination as to indicate an unmistakable common purpose or design to commit the crime,” nakasaad sa ruling na inilabas ni Sytat.

Una nang naaresto ang dalawang Taiwanese sa Macapagal Boulevard, Barangay Don Galo, Parañaque City, noong Hunyo 14 at nakumpiska mula sa kanilang pangangalaga ang halos 39 na kilo ng shabu na nakalagay sa 39 na plastic bag.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ipinunto ng DoJ na nakumpiska ng awtoridad ang shabu sa trolley bag at backpack mula kay Huang nang bumaba ito mula sa taxi.

Dahil dito, agarang pagsasampa ng kaso sa Parañaque City Regional Trial Court (RTC) laban sa mga ito ang iniutos ng DoJ matapos na maaprubahan nina Prosecutor General Claro Arellano at Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon ang resolusyon. (Beth Camia)