MULING magiging enggrande ang pagdiriwang ng United States sa Fourth of July. Ginugunita ng Independence Day ng Amerika ang araw nang nakamit nito ang soberanya mula sa British Empire matapos ang Revolutionary War noong Hulyo 4, 1776. Sa petsang ito, ang orihinal na 13 estado—ang Delaware, Pennsylvania, New Jersey, Georgia, Connecticut, Massachusetts Bay, Maryland, South Carolina, New Hampshire, Virginia, New York, North Carolina, at Rhode Island—at ang Providence Plantations ay nagsama-sama at lumagda sa Declaration of Independence mula sa England.
Ito ang panahong isinilang ang United States of America. Ang kauna-unahang Fourth of July ay ipinagdiwang noong 1777. Labintatlong putok ng baril ang umalingawngaw bilang pagsaludo sa mga orihinal na kolonya ng Amerika. Ngunit hindi ginamit ang terminong “Independence Day” sa selebrasyong ito hanggang noong 1791.
Ngayong taon, muling magiging punong abala ang National Park Service sa selebrasyon ng Independence Day sa National Mall sa Washington, DC, ang pinakamahalagang lugar na sibiko ng bansa at tahanan sa mahigit sampung memorial na gumugunita sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng United States. Kabilang sa mga event sa National Mall ngayong taon ang Smithsonian Folklife Festival; isang konsiyerto kasama ang United States Army Band Downrange sa Sylvan Theater sa bakuran ng Washington Monument; at isa sa pinakamalalaking fireworks displays sa bansa. Tampok din sa okasyon ang National Independence Day Parade, at A Capitol Fourth, ang taunan at dinadayo ng mga sikat na celebrity na konsiyerto sa West Lawn ng Capitol.
Sa buong United States, nag-oorganisa ng mga pagtatanghal ng pagkamakabayan at mga aktibidad na pampamilya tuwing Hulyo 4. Nakaladlad din ang watawat ng Amerika sa labas ng mga bahay at mga gusali. May selebrasyon din ang mga pamilya, kumpleto sa mga picnic at barbecue. Kabilang din sa iba pang mga aktibidad para sa okasyon ang mga paligsahan sa pagkain ng pakwan o hotdog at sports events, tulad ng laro sa baseball, three-legged races, swimming activities at tug-of-war. Maraming komunidad ang nag-oorganisa ng kani-kanilang fireworks.
Ang Amerika at ang Pilipinas ay may matagal nang kasaysayan ng malapit at diplomatikong ugnayan simula noong 1946. Ang relasyon ng dalawang bansa ay nakabatay sa matatag na ugnayan ng kasaysayan at ng mga kultura nito, bukod pa sa nagkakasundo sa pagtataguyod ng demokrasya at karapatang pantao. Pinagtibay na muli ng Manila Declaration na nilagdaan noong 2011 ang 1951 US-Philippines Mutual Defense Treaty bilang pundasyon ng isang matatag, balanse, at nakatutugong pagtutulungan sa larangan ng seguridad. Tinututukan din ang ugnayang pang-ekonomiya, komersiyal at mamamayan-sa-mamamayan. Noong 2015, nasa apat na milyon na ang mamamayan ng Amerika na may lahing Pilipino na nakatira sa United States, at mahigit 220,000 US citizen naman ang nasa Pilipinas, kabilang ang malaking presensiya ng mga Amerikanong beterano. May tinatayang 650,000 US citizen ang bumibisita sa Pilipinas kada taon.
Maraming programang mamamayan-sa-mamamayan ang umiiral sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang ang Fulbright, International Visitor Leadership Program, at Kenney-Lugar Youth Exchange and Study program. Nasa Maynila ang nag-iisang VA benefits office at healthcare clinic sa labas ng United States. Ang American Cemetery sa Maynila ang pinakamalaking libingan ng mga sundalong Amerikano sa labas ng United States.
Binabati natin ang Mamamayan at ang Gobyerno ng United States of America, sa pangunguna ni President Barack Obama, sa pagdiriwang nila ng Independence Day.