“GAWIN ninyo ang trabaho ninyo at gagawin ko ang akin,” wika ni Pangulong Digong sa kanyang maikling talumpati pagkatapos niyang manumpa sa tungkulin. Ito ang kahilingan niya sa kongreso at Commission on Human Rights (CHR) sa paglilinis niya ng lipunan ng mga kriminal kasabay ng pangakong hindi niya tatantanan ang mga ito. Aniya, siya ay isang abogado at naging piskal kaya alam umano niya ang limitasyon ng kapangyarihan ng pangulo. Alam umano niya kung ano ang legal at hindi. Hindi rin daw matitinag ang kanyang paniniwala sa due process at rule of law.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na kapag ang inaaresto ng pulis ay lumaban at nanganib ang kanyang buhay, puwede niya itong gamitan ng dahas kahit mapatay niya ang kanyang inaaresto. Kapag ganito ang naganap, hindi ba ito puwedeng pakialaman at imbestigahan ng Kongreso o CHR? Hindi ba’t gumaganap din ng tungkulin ang Kongreso at CHR kapag inimbestigahan nila ito?

Niliwanag ito ng Ricardo C. Valmonte vs. Integrated National Police, et. al., G.R. No. 20881, August 14, 1985. Ang kasong ito ay isinampa ko para buwagin ang grupo ng mga pulis na tinawag na “Crimebuster” na nilikha ni Pangulong Marcos upang pangalagaan ang mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan laban sa mga kriminal. Pinabubuwag ko ito dahil, tulad ng nangyayari ngayon, halos araw-araw ay may pinapatay na tao na umano ay mga holdaper.

Walang masama, ayon sa Korte Suprema, sa paglikha ng special operation team para labanan ang kriminalidad at pigilin ang pagkalat ng mga bisyo, prostitusyon, ilegal na droga at iba pa. Ito ay trabaho ng mga pulis. Ang masama, paliwanag ng Korte, ay kapag may pinatay na sinasabing kriminal dahil ang mga pulis ay hindi na lang tagapagpairal ng batas, kundi piskal, hukom at executioner pa. Kung sa pagmimintina ng katahimikan at kaayusan, ang mga pulis ay katatakutan, ang mamamayan ay maiipit sa pagitan ng mga kriminal at mga pulis na walang galang sa batas. Karahasan ay walang puwang sa demokratikong lipunan na ang rule of law ang nangingibabaw. Kapag may namatay, obligasyon ng pumatay na patunayan niya na pinatay niya ang tao bilang pagdedepensa niya sa kanyang sarili.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kaya, sa nais mangyari ni Pangulong Digong na huwag siyang pakialaman ng Kongreso at CHR sa pagganap niya ng tungkulin laban sa kriminalidad at ilegal na droga, puwede ito sa paglunsad ng operasyon para madakip ang mga sangkot dito. Pero, kapag may napatay na, maaaring makialam ang Kongreso at CHR para ipakita ng pumatay na naganap ito sa pagdedepensa niya sa sarili, kamag-anak, ibang tao o pagtupad niya sa kanyang tungkulin. (Ric Valmonte)