Ni Edwin G. Rollon

Ipinangako ng nagbabalik na Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch“ Ramirez na tutuldukan ang “red tape“ para matugunan ng ahensiya ang pangangailangan ng mga atleta at iba pang stakeholder sa kaunlaran ng sports.

Iginiit ni Ramirez na babalasahin ang mga departamento sa ahensiya para tuldukan ang pagkakatulog ng mga dokumento at papeles ng mga national sports associations (NSAs).

“The President (Duterte) first order after his inauguration is to curb out red tape. Hindi nga naman makatarungan sa ating mga mamamayan na maglaan ng mahabang oras at panahon para pumili sa mga opisina ng pamahalaan,” sambit ni Ramirez.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“Kami sa PSC, walang dahilan para patagalin ang mga request ng mga atleta. Simple lang naman, kung yung request hindi puwede, denied agad. At kung ok naman, approved agad,” aniya.

Mismong si commissioner Dr. Celia Kiram, dating pangulo ng pencat silat association, ay nakaranas ng kawalang malasakit ng ilang empleyado ng PSC dahil sa paghihintay ng matagal na wala namang resulta at labis na pagkabimbin sa mga request lalo na sa paghingi ng tulong pinansiyal at travel exception.

“As NSA official, ako mismo nakaranas ng red tape sa PSC. Kung hindi man late na late na kami sa biyahe bago lumabas ang request namin, tapos na ang tournament bago kami makakuha ng response,” sambit ni Kiram.

“Ito ang pagtutulungan namin sa PSC Board na mawala. Kawawa naman ang mga atleta. Buti kung lahat ng NSA may sariling pera para mag-abono,” aniya.

Ikinasa naman ni commissioner Ramon ”El Presidente” Fernandez ang pagtalima sa transparency na nais ni Pangulong Digong.

“I experienced the ills of Philippine sports and I think it has gone worse. It’s really time for the call of the President to change. Ang personal battle cry ko is ‘change the game’,” sambit ni Fernandez, ikaapat na dating atleta na naitalaga na commissioner sa PSC tulad nina volleyball player Tisha Abundo at badminton Weena Lim at Akiko Thompson.

Ang dating swimming champion na si Eric Buhain ay naging PSC chairman sa administrasyon ni Pangulong Arroyo.

“Isa sa mga suggestions ko kay chairman Butch (Ramirez) is we should take it upon us that the funds should be properly disbursed to the different NSAs. Ang isang tinitingnan ko na solusyon is mag-show kami ng example sa PSC like what the President is saying na they will implement the FOI (freedom of information).

“Kami din siguro iimplement din namin ‘yun sa PSC. You can check the finances sa internet, and may random audit ang mga NSAs. I think it’s just proper to account the people’s money,” pahayag ni Fernandez.

Kinatigan nina commissioner Charles Maxey at Arnold Agustin, nagmula sa hanay ng mga empleyado sa PSC, ang pahayag ng kanilang mga kasama at ipinahayag ang lubusang suporta para sa kapakanan ng mga atleta.