Magsasagawa ng imbestigasyon ang Kamara sa naiulat na pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon na isusulong din niya ang isang panukala upang maisalang sa death penalty ang mga mapatutunayang nagbibigay ng proteksiyon sa mga sindikato ng droga, kabilang ang mga opisyal ng pulisya at militar.
“Next week, I will have a resolution drafted and we will pursue a probe on the involvement of law enforcers,” pahayag ni Biazon, anak ni dating Armed Forces chief of staff at nahalal din bilang senador na si Rodolfo Biazon.
“They should be included (in the death penalty), especially that they are persons in authority. They should be held accountable under the law,” aniya.
Nitong nakaraang linggo, naghain si Ruffy Biazon ng panukala upang maibalik ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga sentensiyadong drug trafficker.
Hiniling din ng kongresista kay Chief Supt. Ronald “Bato” Dela Rosa, PNP chief, na parusahan ang mga police general na nagbibigay ng proteksiyon sa mga drug lord.
Samantala, nanawagan si Dela Rosa sa mga police general na sangkot sa ilegal na droga na sumuko na sa loob ng 48 oras o posibleng mapatay ng awtoridad.
“I would give an unsolicited advice na just take action kasi parang napi-preempt lang natin ‘yan,” ani Biazon. (Charissa M. Luci)