CABUGAO, Ilocos Sur – Sa edad na 21, nanumpa sa tungkulin si Josh Edward Cobangbang bilang pinakabatang alkalde sa kasaysayan ng bansa.

Isinilang noong Disyembre 1, 1994, ang bagong alkalde ng Cabugao ay mas bata lang ng isang buwan sa unang naitala bilang pinakabatang mayor sa kasaysayan na si Jose Jono Jumamoy, na nahalal sa Inabaga, Bohol noong 2007.

Landslide ang panalo ni Josh Edward sa nahakot na 17,356 na boto noong Mayo 9, laban sa katunggali niyang si Dr. Rudy Singson, na nakakuha lamang ng 405 boto.

Pinalitan ng bagong mayor ang kanyang ama na si dating Cabugao Mayor Edgardo Cobangbang, Jr., na nagsilbing sa bayan sa nakalipas na anim na taon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Pinangunahan ng kanyang ama ang panunumpa sa tungkulin ng 21-anyos na anak nitong Hunyo 30 sa isang simpleng seremonya sa loob ng Saint Mark the Evangelist Parish Church, kasunod ng misa na pinamunuan ni Bishop Marlo M. Peralta, ng Archdiocese of the Nueva Segovia.

Nagtapos ng Bachelor in Business Administration major in Business Management sa De La Salle University sa edad na 19, mataas ang kalidad ng leadership skills ni Josh Edward sa pagiging consistent student leader noong high school sa Saint Paul College of Ilocos Sur.

Bago sumabak sa pulitika, tumutulong si Josh Edward sa pangangasiwa sa negosyo ng kanyang pamilya.

“I’m deeply overwhelmed by the support of our people for my candidacy during the May 9, 2016 polls; and it’s my great responsibility to serve them with the highest quality of service with transparency and to continue all the projects that had been started by my father,” sinabi ng pinakabatang mayor nitong Sabado.

Kabilang sa mga binanggit ni Josh Edward na prioridad niya sa tatlong-taong termino niya ay ang pagkakaroon ng potable water system para sa nasa 44,000 residente sa 33 barangay ng Cabugao; ang short- term livelihood trainings para sa out-of-school youth sa pakikipagtulungan ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA); at ang pagpapatuloy sa iba’t ibang proyektong imprastruktura sa munisipalidad.

Isang first class town sa dulong hilagang bahagi ng Ilocos Sur, grandslam ang pagkilala sa Cabugao bilang Kasiglatan nga ili o isang Oustanding LGU awardee sa taunang Search for Outstanding Barangays ng lalawigan. Sa nakalipas na dalawang taon, ginawaran ang Cabugao ng Seal of Good Houskeeping at Seal of Good Local Governance mula sa Department of Interior and Local Government. (Freddie G. Lazaro)