Inihain na ni Sen. Alan Peter Cayetano sa Senado ang isang panukala na humihiling na itaas ang sahod ng mga tagapagpatupad ng batas sa bansa, partikular ang Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Cayetano na ito ang isa sa mga pangako na kanyang binitawan nang tumakbo siya sa pagka-bise presidente bilang katambal ng noo’y presidential candidate na si Rodrigo Duterte.

Kilala bilang Philippine National Police Compensation Act of 2016, sinabi ni Cayetano na layunin ng panukala na itaas ang minimum salary at allowance ng mga tauhan ng PNP. Sakaling maisabatas, makatatanggap na ang isang pulis na may pinakamababang ranggo ng gross minimum pay na P50,530 kada buwan, kasama na ang benepisyo at allowance.

Iginiit ng senador na ito ay kabilang sa siyam na panukala na pasok sa “reform package measure” na magdudulot ng tunay na pagbabago sa lipunan, na ipinangako ng Duterte-Cayetano tandem noong panahon ng eleksiyon.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

“It is not enough that we punish and remove corrupt cops from the service. Without just compensation, crime and corruption will only seduce what is left of the government’s honest, yet, impoverished police personnel,” saad sa pahayag ni Cayetano.

Aniya, ang basic salary ng isang Police Officer 1 (PO1), ang pinakamababang ranggo sa PNP, ay P14,834 na malayo sa ideal monthly living wage na P27,510 para sa isang empleyado na may limang miyembro sa pamilya.

“This bill seeks to double the current base pay of the lowest ranking police from P14,834 to P26,668 and increase its monthly allowances and other benefits from P7,862 to P20, 862. Upon the passage of this Act, the minimum monthly gross pay of PO1 will amount to P50,530,” ayon kay Cayetano.

Binigyang-diin ni Cayetano na mahalaga na agad na maisabatas ang naturang panukala upang hindi lamang maging epektibo ang pulisya na masawata ang krimen sa bansa kundi mailayo rin ang mga ito sa katiwalian.