Gagawing prioridad ng Mababang Kapulungan, sa ilalim ng pamumuno ni incoming House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, ang pagpapasa sa panukalang babago sa Konstitusyon para magkaroon ang bansa ng federal na uri ng gobyerno, ang muling pagbuhay sa parusang kamatayan, at pagkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Duterte upang epektibong matugunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila at sa iba pang pangunahing siyudad.

Sinabi ni Alvarez na ang panukala sa federalism, pagbuhay sa death penalty, at “traffic” emergency powers ang magiging prioridad ng Kamara de Representantes sa pagbubukas ng unang sesyon ng 17th Congress sa Hulyo 25.

“We will tackle these measures once we resume session,” sabi ni Alvarez.

Naghain si Alvarez ng Resolution sa parehong House No. 1, na nananawagan ng pagdaraos ng Constitutional Convention (concon) upang mapalitan na ang umiiral gobyerno at gawin itong federal presidential bicameral system.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kinumpirma rin ng incoming Speaker na ipupursige rin niya ang ikalawa niyang panukala na bubuhay naman sa parusang kamatayan.

“Yes, I co-authored the bill,” ani Alvarez, sinabing naniniwala siyang makatutulong ang death penalty sa pagsugpo sa mga krimeng may kinalaman sa ilegal na droga sa bansa.

Sinabi nina Alvarez at Sen. Aquilino Pimentel III, na inaasahang magiging susunod na Senate president sa 17th Congress, na posibleng maipagkaloob na nila sa Agosto ang emergency powers kay Pangulong Duterte upang agarang maresolba ang problema sa trapiko. - Charissa M. Luci