Winalis ng Philippine Navy ang tatlong division -- men’s, women’s at mixed division – na nakataya sa ‘Paddles Up’, 1st Philippine Dragonboat Tour kahapon sa Manila Bay.

Hindi nakasali sa unang apat na yugto, ipinamalas ng Philippine Navy ang kakayahan upang sungkitin ang lahat ng mga nakatayang korona sa panghuling leg ng natatanging torneo, na magkasalong itinataguyod ng Solar Sports at Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDF).

Unang nagwagi ang Philippine Navy sa women’s division matapos itala ang pinakamabilis na oras sa pinaglabanan na 500m distansiya sa bilis na isang minuto at 36.02 segundo.

Pumangalawa ang Philippine Titans (1:38.00), ikatlo ang Manila Dragons (1:40.59), at ikaapat ang PDRT (1:43.49).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sumunod na nagwagi ang Navy sa Mixed Major Finals sa itinala nitong pinakamabilis na tiyempong 1:20.73 kasunod ang Philippine Marines (1:21.00), ikatlo ang Philippine Titans (1:22.92), ikaapat ang Manila Dragons (1:25.92,) at ikalima ang Speed Devilz (1:27.67).

Pinakahuling nagkampeon ang Navy sa Men’s Major Finals sa sinagwan nitong 1:11.22, kasunod ang Marines (1:12.40), Sagwan Tanauan (1:13.41), Alab Sagwan (1:14.21), at Titans (1:17.78).

Samantala, tinanghal na overall champion sa kabuuan ng limang leg ng torneo ang Titans (women’s division) na may 46 na puntos, ikalawa ang Manila Dragons na may 27 puntos at ang PDRT na may 16 na puntos.

Kampeon sa Mixed category ang Marines na may 44 na puntos, ikalawa ang Titans na may 38 puntos, at ikatlo ang Manila Dragons na may 21 puntos. Nagwagi naman ang Marines sa men’s division sa natipon na kabuuang 47 puntos, kasunod ang Sagwan Tanauan na may 38 puntos at ang Titans na may 24 na puntos. - Angie Oredo