Tiniyak ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na kikilalanin ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang lahat ng kontrata na inaprubahan ng gobyerno ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III, maliban lang kung may basehan upang repasuhin ito.
“As of the present, we are to honor existing contracts. The sanctity of contracts must be respected,” pahayag ni Aguirre, na isa ring abogado.
“Because we just assumed office, there is no directive yet to review any particular contract,” aniya.
Bilang kalihim ng DoJ, si Aguirre ay may kapangyarihan na pangasiwaan at kontrolin ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).
Aniya, ikinokonsidera ng Duterte administration na may “presumption of regularity” o walang bahid ng anomalya ang mga kontrata na pinasok ni Aquino.
Pinuri naman ng port authorities ang posisyon ni Aguirre hinggil sa mga iniwanang kontrata ni Aquino dahil ito ay magpapabuti sa kanilang pakikipagtransaksiyon sa Bureau of Customs (BoC), sa ilalim ng bagong gobyerno.
Matatandaan na unang pumalag ang mga tagapangasiwa ng mga daungan sa bansa sa mga direktiba na inilabas ni dating BoC Commissioner Alberto Lina na nagbabalewala sa ilang kontrata ng Philippine Ports Authority (PPA).
Iginiit ng grupo na nanghimasok ang mga direktiba ni Lina sa regulatory authority ng PPA sa pagbibigay ng lisensiya sa mga port operator na nagdulot ng pangamba sa mga port stakeholder. (Rey G. Panaligan)