Ipinadama ni differently-abled Table Tennis athlete Josephine Medina ang kahandaan sa paglahok sa 2016 Rio Paralympics matapos makopo ang silver medal sa Romania International Table Tennis Open 2016 kamakailan, sa Lamont Sports Club sa Cluj-Napoc, Romania.
Nagawang tumapos sa ikalawang puwesto ang 46-anyos na si Medina sa Group B nang makausad sa medal round ng women’s singles combined 8-10 class.
Sinimulan niya ang kampanya sa impresibong panalo kontra Kriabklang Kanlaya ng Thailand,11-2, 11-4, 11-3, at Mariora Stanescu ng host Romania, 11-3, 11-6, 11-4, bago nakalasap ng kabiguan sa kamay ni Monica Tepelea, 9-11, 9-11, 11-13.
Gayunman, ang dalawang panalo at isang talong karta ay nagtulak kay Medina sa knockout semifinal round kung saan winalis niya si Japanese Nozon Takeuchi, 12-10, 11-7 at 11-6.
Subalit, muling pinigil ni Tepelea ang hangarin ng Pinay na makopo ang gintong medalya sa 11-9, 11-7 at 11-7 panalo.
Nakumpleto ni Tepelea ang pagwalis sa torneo matapos na talunin ang lahat ng nakaharap sa Group B, bago nakasagupa ang Norwegian na si Aida Dahlen sa semis, 3-1 (11-6, 8-11, 11-8, 11-9).
Ang torneo ay nagsisilbing pagsasanay at huling paghahanda kay Medina na nasa ikalawang sunod na pagkuwalipika para sa Paralympics sa Rio. - Angie Oredo