IKAAPAT ngayon ng buwan ng Hulyo. Isang karaniwang araw ng Lunes na ang ating mga kababayan ay balik-trabaho sa kani-kanilang pinaglilingkurang tanggapan o opisina. Sa pribado at sa pamahalaan. Ang mga manggagawa naman ay sa iba’t ibang pabrika at business establishment. Sa kalendaryo ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, ang ika-4 ng Hulyo ay “Filipino-American Friendship Day” o Araw ng Pagkakaibigan ng mga Pilipino at Amerikano. Ang Hulyo 4 ay ang dating Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, kasabay ng pagdiriwang ng Independence Day ng America.
Ayon sa kasaysayan, noong Hulyo 4, 1946, sa isang makulay na seremonya sa Luneta (Rizal Park na ngayon), ibinaba ang bandila ng America at itinaas naman ang bandila ng Pilipinas bilang hudyat ng pagbabalik ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga imperyalistang Amerikano. Dinaluhan ang makasaysayang pangyayari nina dating Pangulong Manuel Roxas, Vice President Elpidio Quirino, mga miyembro ng Gabinete, foreign dignitaries at ng mga kinatawan nina Uncle Sam o ng mga Kano. Nabago ang kasaysayan sa panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal. Ang Hulyo 4 na Araw ng kalayaan ay ginawang Hunyo 12 batay sa pagpapahayag ni Heneral Emilio Aguinaldo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898. Ang dating ika-4 ng Hulyo ay itinakda at ginawang “Filipino-American Friendship Day”.
Ang paglilipat ng Araw ng Kalayaan ay ibinatay sa Republic Act 4166.
Ang relasyon noon ng Pilipinas at America ay tinampukan ng ugnayang estratehiko at militar na nagbigay-daan sa negosyo at investment o pamumuhunan. At sa mahabang panahon, nanatili ang mainit na relasyon ng Pilipinas at America.
Ngunit sa pananaw ng iba ating kababayan, lumaya na nga ang Pilipinas ngunuit patuloy pa ring pinakikialaman ng mga Amerikano ang kabuhayan at pulitika ng bansa. Ang mga lider natin noon ay tila masunuring tuta at aso na sumusunod sa dikta ng mga dayuhan. At habang ang mga kano ay nasa kanilang base militar sa ating bansa, may binabaril at napapatay na mga Pilipino na napagkakamalan nilang mga baboy ramo. Ang utak-pulburang kano na bumaril ay agad pinauuwi sa America. Walang nakamit na katarungan ang mga kababayan natin na napagkamalang baboy ramo. Walang jurisdiction ang ating gobyerno sa base militar ng mga Kano.
Napalayas ang mga Kano at inalis ang kanilang base militar sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino na noon ay may ilan pang mga lider ng bansa na gusto pang humingi ng palugit. Nakabalik naman ang mga Amerikano sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (VFA). Nangyari ito sa panahon ni dating Pangulong Erap Estrada. Si dating Pangulong Erap na senador pa noon ang nagpalayas sa base militar ng mga Kano. Napagtibay ang VFA. Walang nagawa ang ating pamahalaan sapagkat napilipit ng mga Kano ang tainga at napindot ang ilong ng mga lider ng ating bansa. Nadagdag pa ngayon ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ang mga sundalong Amerikano at Pilipino ay nagsasagawa ng joint military exercise. (Clemen Bautista)