Kinasuhan sa Quezon City Prosecutors Office ang isang Chinese, na tinagurian ng pulisya bilang “shabu queen”, matapos ito maaresto sa isinagawang anti-drug operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ni Supt. Robert Salem, hepe ng Batasan Police Station 6, ang hinihinalang lady drug courier na si Tuan Xi Yao, alyas “Sally”, 33, tubong Fujian, China, at kasalukuyang naninirahan sa Alpha Grandview Condo, Pasay City.
Nakapiit ngayon si Sally sa detention cell ng QCPD PS6-SAID matapos sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Base sa inisyal na ulat ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng QCPD-PS6, bandang 1:30 ng umaga nang isagawa ng mga operatiba ang buy-bust operation laban sa suspek sa isang lugar sa Commonwealth Avenue sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Makaraang makipagtransaksiyon ang police agent at tinanggap ang P100,000 marked money ng Chinese drug trafficker sa naturang lugar, agad itong pinosasan ng mga tauhan ng QCPD.
Nasamsam sa suspek ang shabu na nagkakahalaga ng P100,000 at drug paraphernalia, pati ang marked money na ginamit sa entrapment operation. (Jun Fabon)