Ni MARY ANN SANTIAGO
Limang katao, na sinasabing pawang tulak ng ilegal na droga, ang nasawi sa isang engkuwentro sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Maynila, kahapon.Habang isinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek.
Batay sa ulat ng MPD-Station 3, nabatid na nangyari ang insidente dakong 7:00 ng umaga sa isang barung-barong sa Arlegui Street sa Quiapo.
Ayon kay Chief Insp. Michael Garcia, commander ng Barbosa Police Community Precinct (PCP), matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek na kilalang mga tulak ng droga sa Islamic Center at sa Golden Mosque areas, na tumatawid-tawid sa creek para makapag-deliver ng ipinagbabawal na gamot.
Natuklasan umano ng pulisya na sa pamamagitan ng bangkang de-hila ay madalas na nakakatakas ang mga suspek tuwing magsasagawa sila ng operasyon dahil may lagusan sa creek sa likuran ng tinutuluyan ng mga ito.
Nagawa naman umano nilang makumpiska nitong Sabado ang naturang bangkang-de-hila sa Estero de San Miguel.
Galing ang bangka sa Golden Mosque Islamic Center sa Duque de Alba Street at patungo sa isang compound sa Arlegui Street.
Kaagad umanong nagtungo sa Arlegui Street ang mga pulis nitong Linggo ngunit sinalubong sila ng mga putok ng baril mula sa limang suspek, kaya gumanti sila sa pamamaril.
Narekober sa bahay ng mga suspek ang mga baril at bala, at tinatayang 200 gramo ng shabu.
Nagpahayag naman ng paniniwala ang pulisya na bahagi ng organisadong grupo ang mga napaslang na suspek.
Kaugnay nito, inaresto rin ng mga awtoridad ang 10 katao na natagpuan sa loob ng mga barung-barong na roon nakaengkuwentro ng MPD ang mga napatay na suspek matapos na mahulihan rin ng ilegal na droga.
Plano rin ng pulisya na ipagiba ang mga naturang barung-barong, na ginagamit umanong kuta ng mga ito.