ZAMBOANGA CITY – Nailigtas kahapon ng mga pulis ang isang dalawang taong gulang na lalaki at dinakip ang tatlong kidnapper nito sa Patikul, Sulu, kahapon ng umaga, anim na araw makaraang dukutin ang bata mula sa kanyang ina sa siyudad na ito.

Ayon kay Zamboanga City Tetuan Police Station chief Supt. Nonito Asdai, ang paslit na biktima ay residente ng Barangay Arena Blanco sa lungsod na ito.

Kinilala naman ni Asdai ang mga suspek na sina Danny Abdurasad Patta, 28, may asawa, ng Barangay Hambilan, Siasi; Muktadir Musa Mohammad, 41, may asawa; at Haron S. Sahirun, 52, may asawa, kapwa ng Bgy. Langhub, Patikul, Sulu.

Sinabi ni Asdai na na-rescue nila ang bata mula sa bahay ng mga suspek sa Sitio Suwah-Suwah sa Bgy. Anuling sa Patikul, dakong 7:45 ng umaga kahapon, anim na araw makaraan itong puwersahang tangayin ng mga suspek mula sa bahay nito sa Bgy. Arena Blanco.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Bago ang rescue operations, nakipag-ugnayan ang Zamboanga City Police sa Jolo Police, sa Sulu Police Provincial Office, at sa Task Force Sulu (AFP) at Anti-Kidnapping Group.

Sinabi ni Asdai na matapos ang rescue operation ay agad na dinala ang bata sa Sulu Provincial Hospital para sa medical check-up bago ibiniyahe ito sa isang ferry boat patungo sa siyudad na ito upang maibalik na ang bata sa ina nito.

Nakapiit naman ang tatlong suspek sa himpilan ng Sulu Police Provincial Office. (NONOY E. LACSON)