NALULUHA kami habang pinapanood namin ang trailer ng upcoming seryeng The Greatest Love na kuwento tungkol sa nanay na nagkaroon Alzheimer’s disease kaya hindi na nakikilala ang mga anak. Bigla tuloy naming na-miss ang aming ina na matagal nang wala sa piling namin.
Dahilan din ng pagiging emosyonal namin na pagkalipas ng 27 years ay heto, bida na si Sylvia Sanchez sa isang serye!
Yes, Bossing DMB, after almost three decades na pawang supporting roles ang papel ni Ibyang ay napansin na siya ng ABS-CBN. Kaya naman hindi siya makapaniwala nu’ng makakuwentuhan namin.
Madalas na kuwento niya sa amin noon pa, hindi niya pinangarap na maging bida dahil hindi naman daw pangbida ang aura niya at mas gusto niyang maging character actress na mas nagtatagal sa showbiz.
“Hindi ko naman ‘to hinintay kasi hindi naman talaga ako nangarap maging bida, kasi sinabi ko naman talaga sa Kanya (Diyos) at sa sarili ko na gusto ko kontrabida lang para steady lang. Pero sobrang abot hanggang langit ang pasasalamat ko kasi nagkaro’n ako ng show na ako ang bida, Blessing! Sobra-sobra!”
Bagamat napasaya ni Ibyang, may bahid pa rin siya ng kalungkutan dahil ito pala ang pangarap para sa kanya ng manager niyang si Tita Angge na hanggang ngayon ay tulog pa rin.
“Siyempre, sana gumising na si Tita A, kasi gusto kong makita ang reaksiyon niya, ito kasi ang pangarap niya para sa akin noon pa. Siya ang manager ko for 27 years. Usapan namin, sa hirap at ginhawa, magkasama kami, kaya sana gumising na siya kasi alam ko masayang-masaya siya,” teary-eyed na sabi ng aktres.
Actually, Bossing DMB, hindi namin alam na si Sylvia ang bida sa The Greatest Love kasi nu’ng minsang magtanong kami kung ano ang next project niya after Super D, ang sabi niya, “Mga bata ulit kasama ko, as usual, nanay ako.”
Kaya dedma na kami, kasi nasanay na kami na parating nanay role naman ang papel ni Ibyang.
Sa ABS-CBN trade launch last Monday, naging palaisipan sa advertisers ang The Greatest Love dahil walang detalyeng sinabi at walang teaser, kaya nang i-post na sa YouTube ang full trailer last Friday ay umabot agad sa 192 ang comments na pawang positibo.
Finally raw ay may mapapanood na silang istoryang hindi tungkol sa kabit, hiwalay sa asawa at paghihiganti kundi tungkol sa isang pamilya. May nagtanong pa nga kung teleserye o pelikula ang The Greatest Love.
Ito pa lang ang Pinoy teleserye na Alzheimer’s disease ang main theme ng istorya at hindi subplot lang.
At nalaman namin na nagkaroon ng immersion si Ibyang para malaman ang mannerisms at iba’t ibang ugali ng taong may Alzheimer’s.
Ang nakakatawa, worried si Ibyang kung ano ang gagawin kapag promo na ng show kasi nga naman first time niyang magbida.
“Usually naman kasi bida lang naman ang nagmo-mall show para sa promo, di ba? Hindi naman kasama ang mga support tulad ko. Eh, ngayon ako na ang naka-front, kinakabahan ako, ano ba gagawin ko? Ayokong sumayaw, ha-ha-ha,” natawang sabi ng aktres.
Ano ang reaksyon ng mga anak niya sa bago niyang serye?
“Proud naman sila, masaya sila, panay nga ang share nila sa trailer.”
E, ang kanyang hubby na si Papa Art Atayde?
“Eh, binu-bully ako, ganyan ‘yan pag masaya, inaasar ako, kinukurot ako.”
Habang sinusulat namin ito kahapon, hindi pa alam ni Ibyang kung kailan ang airing ng The Greatest Love. Makakasama niya sa serye sina Dimples Romana, Andi Eigenmann, Matt Evans at Aron Villaflor mula sa direksiyon ni Dado Lumibao handog ng GMO unit. (REGGEE BONOAN)