KAPANALIG, kasalukuyang nasa gitna ng pagbabago ang ating bansa. Ang isa sa mga unang senyales ng pagbabagong ito ay ang mas matingkad na paglaban sa droga. Simula noong Mayo 10 hanggang Hunyo 20, umabot na sa 54 ang napatumba ng kapulisan dahil sa droga. Ang mga ito ay namatay dahil sila ay nanlaban diumano sa mga pulis.

Ang mas maigting na paglaban sa droga ay isa sa ating mga hangarin. Ngunit, hindi natin gustong may dumanak pang dugo dahil dito. Alam natin na marami nang sinayang na buhay ang pagbebenta ng droga. Ngunit ang pagpatay ba sa mga suspek ay magbibigay sa atin ng seguridad na ating hinahangad?

Marami sa atin hangad ang retribution dahil sa karumal-dumal na epekto ng droga sa ating lipunan. Nauunawaan natin ang galit at pighati sa likod nito. Kaya lamang, tunay na hustisya ba ang ating makakamit sa pagpatay ng small time drug users at drug pushers? Ang kanilang kamatayan ba ang magbibigay ng katahimikan sa ating bayan?

Ang panlipunang turo ng simbahan ay nagtuturo sa atin na lahat tayo ay may dignidad. Sinasabi rin nito na lahat tayo ay bahagi ng isang komunidad at lipunan na interconnected sa isa’t isa. May gabay ang US Conference of Bishops noon na maaaring maging applicable sa ating pakikipaglaban sa droga. Ayon sa kanilang Responsibility, Rehabilitation and Restoration: It is time for a new national dialogue on crime and corrections, justice and mercy, responsibility and treatment. As Catholics, we need to ask the following: How can we restore our respect for law and life? How can we protect and rebuild communities, confront crime without vengeance, and defend life without taking life?

Ang mga tanong na ito ay mahirap sagutin, ngunit ito ay kritikal para sa tunay na panlipunang katarungan at kapayapaan. Bilang isang bansa, paano nga ba natin maibabalik ang respeto sa batas at buhay? Paano nga ba natin mabibigyang proteksiyon ang lipunan na hindi kakailanganin ang pumatay?

Ang restorative justice na isinusulong ng ating Simbahan ay isang makataong alternatibo sa pagpapanumbalik ng kaayusan sa ating bayan. Maaari nating gawing accountable ang mga offender sa kanilang mga pagkakamali at hamunin sila na baguhin ang kanilang buhay. Hindi kailangan na tumbasan ng karahasan ng mas matinding karahasan. Ito ay magiging isang cycle lamang ng pighati dahil ang bawat pagpatay ay magtatanim ng galit at trauma sa mga naiwang kaanak o kaibigan, na siya namang magiging maghihiganti kalaunan.

Isang magandang istratehiya ay ang ginawang seminar para sa rehabilitasyon ng mga drug user nitong Martes lamang. Ang pag-igting din ng mga preventive measure upang masawata ang drug addiction at drug trafficking ay isa ring mapayapang alternatibo. Ang pagbibigay ng mga produktibong gawain para sa mga taong lulong sa droga ay isang ring paraan. Ang malawakang kampanya na nagbibigay impormasyon sa epekto ng droga at karampatang parusa sa paggamit at pagbenta nito, kasabay ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga gawaing maaaring pagtuunan ng pansin kaysa droga ay isa ring paraan na maaari nating subukan.

Sumainyo ang katotohanan! (Fr. Anton Pascual)