CEBU CITY – Nag-alok sa pamahalaang panglalawigan ang may-ari ng barko na sumadsad sa isang isla sa hilagang Cebu ng hanggang $1.5 million, o P70.4 milyon, bilang danyos sa pinsalang naidulot ng aksidente sa bahura.
Nasa 2.4 na ektarya ng bahura sa karagatan ng Malapascua Island ang napinsala makaraang sumadsad ang dayuhang barkong M/V Belle Rose sa Monad Shoal.
Sa liham para kay Cebu Gov. Hilario Davide III, sinabi ng Japan Ship Owners' Mutual Protection and Indemnity Association, na kilala rin bilang Japan P&I Club, na payag itong bayaran ang nasabing halaga 21 araw matapos nilang matanggap ang unang written demand.
Sa sulat, na pirmado ni Hiroshi Kikegawa, ang Imabari branch manager ng asosasyon, sinabi ng grupo na sasaklawin na ng nasabing halaga ang “all and any reef damage and restoration costs and socioeconomic loss, potential fines, penalties, compensations, expenses, cost or any other sums directly or indirectly caused by the incident.”
Gayunman, nilinaw ni Kikegawa na ang nasabing “letter of undertaking” ay hindi nangangahulugan ng pag-amin sa pagkakamali.
Hindi pa nakukumpirma ng pamahalaang panglalawigan kung magkano ang aktuwal na halaga ng pinsalang naidulot ng aksidente.
Lulan sa barko ang raw materials para sa semento habang patungo sa bayan ng San Fernando sa Cebu mula sa Tsukimi, Japan. Pawang Pinoy ang tripulante nito. (Mars W. Mosqueda, Jr.)