SA mga nakalipas na linggo bago ang oath-taking ni President-elect Rodrigo Duterte, naging masigasig ang kampanya ng Philippine National police (PNP) kontra droga. Nagresulta ito ng sunud-sunod na pagpapatumba sa mga pinaghinalaang drug pusher at user. Sa mga bayan sa lalawigan, ayon sa ulat ng PNP, halos magpataasan ng bilang ng mga naitumba. Ang pinaigting na kampanya kontra droga ng PNP ay bunga ng dalawang ulit na pagbanggit ni President-elect Duterte na lulutasin niya ang illegal drugs, kriminalidad at kurapsiyon sa gobyerno. Biglang naging masipag ang PNP sa pangangampanya kontra droga na dati’y sinlamig ng nguso ng pusa. Sunud-sunod na ang balita sa radyo, telebisyon at pahayagan tungkol dito. Hindi tuloy naiwasan na sabihin ng iba nating kababayan na kaya itinutumba na ng PNP ay baka ikanta ang ilan sa mga tiwali at tarantadong pulis na sangkot sa illegal na droga.

Matatandaan na sa idinaos na briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. Wilben Mayor na mula Enero hanggang Mayo 9 ay umabot na sa 13,920 ang naaresto at 39 na ang napatay sa anti-drug operation nationwide. At matapos ang eleksiyon, mula Mayo 10 hanggang Hunyo 15 ay umabot na sa 3,760 suspek sa drugs ang nadakip at 29 naman ang napatay. At ang pahayag naman ni PNP Director General Ricardo Marquez sa retirement honor para sa kanya sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City, mula Enero hanggang Hunyo ay umaabot na sa 18,000 illegal drug personality ang naitala at mahigit 680,000 gramo ng shabu ang nakumpiska. Umabot naman sa 183 ang napatay sa engkuwentro sa pagitan ng mga opisyal ng pulisya at drug pusher/user at mga laboratory worker. Ang pagpatay sa mga suspected drug pusher/user ay mahigpit na tinututulan ng Simbahan. Ayon sa ilang Obispo, Diyos lamang ang may karapatan na bumawi ng buhay ng tao na siya nagbigay nito. Kontra rin ang Commission on Human Rights (CHR). Naniniwala na dapat magkaroon ng due process sa mga itinumba na mga suspected drug pusher.

Dahil sa nagaganap na pagpatay, natakot at halos umahon ang bayag sa lalamunan ng mga sangkot sa droga. Matindi ang kanilang pangamba na baka sila na ang susunod na itutumba sa ginagawang anti-drug operation ng PNP. Marami sa mga suspek ang kusa nang sumuko sa pulisya at sa kanilang barangay captain. Naniniwala sila na mas mabuti na ang sumuko kaysa sila’y mapatay. Sa Quezon City, palibhasa’y araw-araw ay may napapatay sa anti-illegal drug operation, umaabot sa mahigit na 300 suspek ang kusang sumuko sa pulisya. Sa Eastern Police District sa Pasig City ay 300 na rin ang sumuko. Sa Dagupan City naman ay may 500, habang sa Central Mindanao ay 4,000 naman ang sumuko.

Dahil sa sunud-sunod na pagsuko, marami sa ating mga kababayan ang nagsabing maaaring natakot sila, lalo na ang mga drug addict, sa pahayag ni President-elect Duterte noon na mas mabuti pang mamamatay ang mga drug user kung hindi na sila maaaring mai-rehab sapagkat magpapatuloy sila sa paggawa ng krimen dahil sa pagkalulong sa droga.

(Clemen Bautista)