TOTOONG panahon na upang mag-isip ng mga kakaibang ideya upang maresolba ang ilan sa pinakamatitinding problema sa ating bansa na hindi nasolusyunan kahit ng pinakamahuhusay na pagsisikap ng mga nakalipas na administrasyon. Ang ideya ng pagkakaroon ng mga cable car sa Pasig City at linya sa pagitan ng Makati City at Sta. Rosa, Laguna, ay isa sa mga posibilidad laban sa trapiko, ayon sa katatalagang si Secretary of Transportation Arthur Tugade.
Tinatawag ang mga itong urban gondola sa maraming siyudad sa Europe, gaya sa Austria na isang ski resort ang napaulat na nagtala ng record sa pagbibiyahe sa 298,000 katao kada oras sa magkakasunod na gondola ng mga steel cable na nakakabit sa mga tower. Sinimulan ng Bolivia sa South America ang isang sampung-kilometrong linya na magsasakay sa 163,000 pasahero kada araw at nagtatayo ngayon ng dalawa pang linya.
Ang malaking bentahe ng pagkakaroon ng sistema ng cable cars o urban gondolas ay ang mababang halaga ng pagpapagawa at pagmamantine rito, kumpara sa mga skyway para sa mga bus at riles para sa mga tren. Maaari itong makumpleto sa loob ng isa at kalahating taon, na bahagya nang maapektuhan ang trapiko, dahil ang mga istrukturang kinakailangan lang na maitayo ay mga bakal na tore sa kada 200 hanggang 1,000 metro.
May panukala rin sa mas epektibong paggamit sa Pasig River sa pamamagitan ng sistema ng mga ferry na may mga schedule bilang regular at sistematiko gaya ng mga tren ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit. Gayunman, mangangailangan ito ng programa ng pakikipag-ugnayan upang malinis ang Pasig River at ang mga estero nito, gayundin ang Manila Bay, at gawing mas kaiga-igaya ang pagbibiyahe sa ilog kumpara ngayon.
Hindi lamang makaiiwas sa pagsisikip ng trapiko na matagal nang pumeperhuwisyo sa Metro Manila ang biyahe sa himpapawid sa pamamagitan ng cable car at biyahe sa tubig sa pamamagitan ng ferry. Magkakaroon din ng karagdagang atraksiyon para sa mga turista, gaya ng nangyayari sa maraming siyudad ngayon sa Europe.
Sinikap ng nakalipas na administrasyon na maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila at pinangunahan ni Cabinet Secretary Rene Almendras ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority sa pagpapatupad ng mga pagbabago, kabilang ang pangangasiwa ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police. Bahagyang naibsan ang trapiko sa ilang bahagi ng EDSA, ngunit bumalik na ito sa “normal”—o iyong aabutin ng dalawa hanggang tatlong oras na biyahe sa magkabilang dulo ng Metro Manila.
Malinaw na nananatiling mabagal at nakakabuwisit ang trapiko sa Metro Manila. Ikinokonsidera ni Pangulong Duterte ang paghingi ng emergency powers upang maresolba ang problema. Mahalagang ikonsidera ang bawat posibleng solusyon dahil wala namang naitulong ang mga una nang naipatupad. Ang panukala sa cable car o urban gondola ay maaaring isang mahalagang bahagi ng plano sa trapiko sa Greater Manila at sa mga karatig na lugar nito.