Kumpiyansa ang isang obispo ng Simbahang Katoliko na makakayang sugpuin ni Pangulong Duterte ang problema ng bansa laban sa ilegal na droga at kriminalidad.
Ayon kay Basilan Bishop Martin Jumoad, nakikita niyang may political will si Duterte upang tuparin ang pangako nitong susugpuin ang kriminalidad, lalo na ang usapin sa droga.
Kasabay nito, nanawagan si Jumoad sa mamamayan na makipagtulungan sa bagong Pangulo upang magtagumpay ito sa maganda nitong layunin para sa bansa.
Aniya, nakapapagod nang makita ang lawlessness at mga insidente ng kidnapping na namamayagpag sa maraming bahagi ng bansa.
“I would like to see our young normal and our security peaceful… President Duterte has the political will to do it.
Luck knocks only once. Let’s cooperate with him,” ayon pa kay Jumoad.
Samantala, ilang obispo rin ng Simbahang Katoliko ang nagpahayag ng suporta kay Pangulong Duterte.
Para kay Lipa Bishop Ramon Arguelles, suportado niya si Pangulong Duterte sa pagtatalaga kay Environment Secretary Gina Lopez.
“I’m for national transformation. We support all good acts and projects. But we need true and lasting transformation, even of our way of thinking,” ani Arguelles. (Mary Ann Santiago)