HINDI umano natatakot si President Rodrigo Roa Duterte (RRD) na ma-impeach at patuloy niyang isusulong ang mga pagako noong kampanya—paglipol sa illegal drugs, krimen, at kurapsiyon. Hindi siya nababahala kung sino man ang masasagasaan sa mga pagbabago (“change is coming”) na kanyang ipatutupad upang umunlad, maging mapayapa at maayos ang Pilipinas na kaytagal nang naghihirap at nagdurusa.

“Tutuparin ko ang aking pangako kahit na sino ang maapektuhan. I will stake my honor, my life and presidency itself.”

Pahayag ni Mang Rody nang magsalita siya sa huling flag-raising ceremony bilang alkalde ng Davao City. Ipinangako niya sa taumbayan na maglulunsad siya ng “bloody war” laban sa mga drug lord, trafficker, pusher, user at tatapusin niya ang laban sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Sa katunayan, mula noong Mayo 9 hanggang ngayon, narami na ang tumumbang drug pusher at users. Kaya lang, ang hinihintay ng mamamayan na matumba ay iyong mga big-time at high-profile drug lords at traffickers na responsable sa pagkalat ng mga bawal na gamot sa maraming lugar ng kapuluan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang bagong hirang niyang PNP chief na si General “Bato” o Ronald dela Rosa ay masidhi rin ang pagnanais na malipol ang illegal drugs at mga krimen sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Lilinisin din umano niya ang New Bilibid Prisons (NBP) na kinaroroonan ng mga dayuhan at lokal na drug lords/traffickers. Kumikita sila sa oblo ng bilyun-bilyong piso dahil may mga laboratoryo o gawaan daw ng ilegal na droga. Ang kita ay ipinamumudmod sa mga jail guard, NBP officers, mga prosecutor at judge upang hindi mabulilyaso ang tiwali at kakila-kilabot na gawain sa NBP. Sabi ni Gen. Bato:

“Ilalabas ko ang mga drug lord nang pahiga upang malinis ang kulungan sa ilegal na droga.”

Ngayong si RRD na ang pangulo ng bansa, sinabi niyang ang suweldo pala ng presidente ay P130, 000 lamang. Sa pagkakaalam ko, tinaasan na ito ni PNoy at abot na yata sa P160,000 kada buwan. Ang sahod daw na ito ay sapat lang sa dalawang babae sa kanyang buhay— sina Honeylet Avancena (common-law wife) at ex-wife Elizabeth Zimmerman.

Parang atubili pa rin si Digong na maging presidente kahit ibinoto siya ng 16.6 milyong Pinoy sa nakaraang halalan.

Kung maibabalik lang daw niya ang kamay ng panahon, talagang hindi siya tatakbo sa panguluhan dahil mabigat ang pananagutan na nakaatang sa puwestong ito. Pero, dahil siya ay ibinoto ng mga tao na umaasang magiging epektibo siyang pangulo, sisikapin niyang tuparin ang “change is coming” para sa mga Pilipino.

Kahit papaano, dapat pasalamatan ng bansa si ex-Pres. Noynoy Aquino. Siya lang yata sa naging mga pangulo ng’ Pinas ang totohanang nagtulak sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines na ngayon ay dinuduro at binu-bully ng dambuhalang China.

Nagkaloob si PNoy ng P65.8 bilyon sa AFP Modernization Program Fund upang kahit papaano ay magkaroon ng mga bagong kagamitan, eroplano, barko ang AFP. Bago siya naging pangulo, hindi man lang nakabili ang gobyerno ng isang second-hand C-130 plane. Ngayon may apat nang brand-new C-130 ang AFP, naval ships, frigates at iba pang modernong kagamitan. (Bert de Guzman)