Tiniyak ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na makakaasa ng suporta mula sa Simbahang Katoliko ang bagong luklok na Pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte.
Subalit tiniyak ng leader ng Simbahan na mananatili pa rin silang mapagmatyag sa buong panahon ng panunungkulan nito.
Ayon kay Villegas, hindi maaaring abandonahin ng Simbahan at mga pari ang kanilang tungkulin na maging mapagmatyag sa gawain ng mga opisyal ng gobyerno at magbigay ng kritisismo kung kinakailangan.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Villegas na hindi sila ituturing na kaaway ng Pangulo sa mga pagkakataong magkaiba ang kanilang mga pananaw sa ilang isyu.
Siniguro rin niya na ipapanalangin nilang magtagumpay ang administrasyong Duterte sa layunin nitong mapaunlad ang Pilipinas at ang mamamayan, at masugpo ang lumalalang kriminalidad sa bansa.
“Dreaming of a better world, we will offer our critique and denounce error but kindly look at us, not as enemies wanting governments to fall, but as brethren and friends wishing politics to succeed,” bahagi ng pastoral letter ni Villegas.
Matatandaang bago pa man tuluyang naluklok sa puwesto ay ilang beses nang binabatikos ni Duterte ang Simbahang Katoliko at nagbanta pa na ibubunyag niya ang mga sekreto at mga kasalanan ng ilang leader nito. (Mary Ann Santiago)