Dumating nitong Biyernes ng gabi ang Canada National Team, ngunit hindi kabilang sa naglakad sa Ninoy Aquino International Airport ang NBA champion na si Tristan Thompson ng Cleveland Cavaliers.
Pinangungunahan ang koponan ni coach Jay Triano at Toronto Raptors guard na si Cory Joseph nang lumapag ang kanilang sinakyang Turskish Airline sa pambansang paliparan kung saan sinalubong sila ng mga tagahangang Pinoy na matiyagang nag-abang sa labas ng paliparan.
Hindi rin kasama ng koponan si Canada Basketball general manager at NBA legend Steve Nash.
Walang pormal na pahayag ang Canadian team hinggil sa katayuan ni Thompson.
Tahasang sinabi ni Tony Parker ng France na ang Canada ang liyamadong koponan bunsod ng presensiya ng 6-foot-11 forward na si Thompson.
Nasa bansa na rin ang New Zealand Tall Blacks na minsang ginabayan ni Gilas coach Tab Baldwin sa world championship.
Pinangangasiwaan ang Kiwis ni Paul Henare, assistant ni Baldwin sa mahabang panahon.
“We go back a long way. We’re very good friends, first and foremost,” pahayag ni Henare. “He’s a coach of mine for a long, long time. So I’m really looking forward to seeing him and competing against him. It’s gonna be a special occasion,” aniya. (Marivic Awitan)