ZAMBOANGA CITY – Nagpahayag ang mga leader ng Abu Sayyaf Group (ASG), na nananatiling bihag ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, ng intensiyong makipag-usap sa katatalagang peace process adviser na si Jesus Dureza upang talakayin sa opisyal ang mga kondisyon ng grupo sa agarang pagpapalaya sa dayuhan.

Biyernes ng hapon nang inihayag ng ASG ang kagustuhang makipag-usap kay Dureza sa programang Zamboanga-Basilan Connection sa RMN-DxRZ radio sa Zamboanga City.

Sinabi ni Abu Rami, tagapagsalita ng Abu Sayyaf, na matagal na nilang gustong makausap si Dureza upang ilahad dito ang ilang usapin na may kinalaman sa grupo bago nila palayain si Sekkingstad.

Pero, ani Rami, mistulang hindi pinakinggan ang kanilang panawagan.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Aniya, sa loob ng linggong ito ay maghihintay pa rin ang ASG sa ilang indibiduwal o grupo ng indibibuwal na makikipagnegosasyon sa kanila para sa pagpapalaya kay Sekkingstad.

Sa text message na ipinadala ng grupo sa RMN-DxRZ, nakalagay ang: Hindi na kami mag-ultimatum na, ideretso namin pugutan ng ulo, ‘pag wala kaming matanggap nitong dalawang araw, negotiator for our demand.”

Pinahintulutan din ni Rami si Sekkingstad na magsalita sa nasabing panayam at nanawagan ang dayuhan sa mga gobyerno ng Pilipinas at ng Norway.

Apela ni Sekkingstad: “I strongly appeal and ask for help from the Philippine government and from the Norwegian government, for as you know the amount they are asking is more than the amount my family can manage to establish. I hope someone can help me get out and get my freedom back. They are demanding P300 million for my release.”

“I would like to appeal to the Norwegian government and also to the Filipino government, the new president Mr. Duterte. Please help me get out of here because it’s very dangerous in here to stay,” sabi pa ng Norwegian.

Si Sekkingstad na lamang ang natitira sa apat na dinukot ng grupo sa Samal Island noong Setyembre 2015, matapos na palayain nitong Hunyo 23 sa Sulu ang Pilipinang si Marites Flor.

Matatandaang pinugutan ng ASG ang dalawang Canadian na kasama nina Sekkingstad at Flor: si John Ridsdel noong Abril 25, at si Robert Hall nitong Hunyo 13. (NONOY E. LACSON)