ZAMBOANGA CITY – Isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at kanyang tauhan, na ayon sa pulisya at militar ay eksperto sa paggawa ng bomba at sangkot sa maraming insidente ng pagdukot, ang inaresto nitong Biyernes ng umaga ng awtoridad sa Ungkaya Pukan sa Basilan.

Kinilala ni Armed Forces of the Philippines, Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr., ang nadakip na Abu Sayyaf sub-leader na si Mudzrih Abih Adjalan, alyas “Idol”, at ang tauhan niya na isang Yasir.

Sinabi ni Tan na naaresto sina Adjalan habang nagsasagawa ng operasyon ang militar nitong Biyernes ng madaling araw sa Sitio Nangka-Nangka, Barangay Sungkayot, Ungkaya Pukan.

Inilarawan ni Tan si Adjalan bilang eksperto sa paggawa ng improvised explosive device (IED) at responsable sa maraming insidente ng pambobomba sa Zamboanga City at sa mga siyudad ng Isabela at Lamitan, parehong sa Basilan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sangkot din si Adjalan sa maraming kaso ng pagdukot sa maraming bahagi ng rehiyon at nahaharap sa serye ng kasong kriminal sa iba’t ibang korte sa siyudad na ito at sa Sulu at Basilan.

Si Adjalan ang itinuturong pumatay kina Godofredo Oraw, Jr. at Homer Dela Fuente sa Lamitan City noong Hunyo 25, 2013, ayon kay Tan. (Nonoy E. Lacson0