SA kanyang pakikisalamuha sa mga maralita sa lungsod ng Maynila pagkatapos ng panunumpa sa tungkulin, tandisang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ang Malacañang ay bubuksan niya para sa lahat. Ibig sabihin, ang sinuman ay malaya nang makapapasok sa naturang makasaysayang gusali, lalo na nga ang karaniwang mamamayan. Ito kaya ay tatagurian na ngayong Palasyo ng Bayan?

Damang-dama marahil ang matinding pananabik ng mahihirap upang masilayan ang naturang kaharian ng mga makapangyarihan, walang pangingimi at halos ipagsigawan ng Pangulo: Magdala na kayo ng kumot at unan at doon na kayo matulog sa Malacañang. Nagbunyi ang sambayanan sapagkat batid nila na ang pagtungo sa Malacañang ay mistulang pagpasok sa butas ng karayom, wika nga, lalo na sa mga nakalipas na administrasyon. Kahit na ang mga pangunahing kalye sa paligid nito ay isinara sa trapiko; ang mga entry point ay nahaharangan ng mga bakod na bakal na nababalutan ng mga barbed wire. Sobrang higpit upang matiyak ang seguridad na manaka-nakang binabagabag ng mga karahasan.

Hindi lamang ngayon, kung sabagay, masasaksihan ang mistulang open house sa Malacañang. Noong panahon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay – ang lider na tinaguriang Man of the Masses o Idolo ng Masa – ang sinuman ay malayang nakapapasok sa naturang lugar. Laging nakabukas ang mga pintong bakal at wala akong natatandaang sumisitang mga sundalo o pulis bagamat sila ay nanatiling nakatanod sa iba’t ibang dako ng Malacañang. May pagkakataon na ang Pangulo ay makikitang palakad-lakad sa malawak na hardin niyon; kung minsan ay nakasakay pa sa kanyang paboritong kabayo. At may pagkakataon din na kaming mga magkakamag-aral sa kalapit na V. Mapa High School ay nakakadaupang-palad ni Magsaysay, halos 60 taon o anim na dekada na ang nakalilipas.

Natitiyak ko na ang ganitong pagkakataon ang pananabikan ng mga maralita na nakasalamuha ni Presidente Duterte kamakalawa ng gabi sa Tondo. Nais din nilang masilayan siya sa Malacañang sa kanilang pagtungo roon, makamayan, mayakap at maipadama ang kanilang mga karaingan. Nangangahulugan kaya ito na nais nilang siya ay manirahan sa Malacañang sa panahon ng kanyang anim na taong panunungkulan, tulad ni Magsaysay?

Isa lamang ito sa mga barometro ng matapat na pagtanggap sa sinuman sa Palasyo ng Bayan. (Celo Lagmay)