Magpapatupad ng big-time price rollback sa liquified petroleum gas (LPG) at Auto-LPG ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Petron, ngayong Sabado ng madaling araw.

Sa pahayag ng Petron, epektibo dakong 12:01 ng madaling araw ng Hulyo 2 ay magtatapyas ito ng P2.70 sa kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas, katumbas ng P29.70 na tapyas sa bawat 11-kilo ng tangke.

Bukod dito, tinapyasan din ng Petron ng P1.50 ang presyo ng Auto-LPG nito na karaniwang ginagamit sa taxi.

Bandang 6:00 ng umaga naman magro-rollback ang Solane ng P2.64 sa kada kilo ng cooking gas nito, katumbas ng P29.04 na bawas-presyo sa regular na tangke ng LPG.

National

Pepito, ganap nang super typhoon!

Asahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya, kabilang na ang mga kasapi ng LPG Marketers Association (LPGMA), sa pagpapatupad ng kaparehong price rollback sa LPG.

Ang bagong bawas-presyo ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.

Simula ngayong Sabado, mabibili na ang regular na tangke ng Gasul at Fiesta Gas ng P471.30 mula sa dating P501.

Pebrero 1 nang pinangunahan ng Eastern Petroleum ang big-time price rollback sa LPG na umabot sa P3.36 kada kilo, katumbas ng P36.96 na tapyas sa bawat 11-kilogram na tangke, habang hindi naman nagbago ang presyo ng Auto-LPG.

(BELLA GAMOTEA)