Hindi na sa dating base militar sa Clark sa Angeles City, Pampanga nakatuon ang pansin ng mga organizer para maging venue ng Olympic Training Center.
Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch “ Ramirez na mas kumbinsido na maitayo ang ultra-modern sports facility sa Davao City.
Ang desisyon ay kinatigan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco bunsod na rin ng kahandaan ng Davao para sa lokasyon.
Nakatakda ring magsumite ang Davao ng proposal para maging satellite venue ng 2019 Southeast Asian Games.
“The ideas for the staging of the biennial Games are up for consideration,” sabi ni Cojuangco.
Inimbitahan din ng POC si Ramirez para dumalo sa Sea Games Federation Council Meeting sa Hulyo 12, sa Kuala Lumpur kung saan kinakailangang ihayag ang inisyal na garantiya na kayang isagawa ng pamahalaan ang pagsasagawa ng ika-30 edisyon ng torneo sa 2019.
Naging host ang Manila noong 2005 kung saan nakamit ng Pinoy ang kauna-unahang overall championship.
Sinabi ni Ramirez na agad itong makikipagpulong sa bagong executive secretary na si Salvador Medialdea upang pag-usapan ang plano para sa sports. (Angie Oredo)