Ipinatitigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng “no-fly zone” tuwing dumarating at umaalis ang presidential plane sa mga paliparan sa bansa upang maiwasan ang pagkakaantala ng mga commercial flight.
Sa kanyang unang pakikipagpulong sa mga miyembro ng Gabinete sa Malacañang kamakalawa, sinabi ng Pangulo na dapat silang itrato bilang mga ordinaryong pasahero ng eroplano at sumunod din sa mga patakaran sa paliparan.
“I want this stopped,” pahayag ni Duterte, tungkol sa pagpapatigil ng air traffic ng halos 30 minuto upang bigyang-daan ang paglapag o pag-alis ng presidential plane.
“We should not be treated different from the other suffering Filipino passengers,” dagdag niya.
Hiniling ni Duterte kay Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Arthur Tugade na atasan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa hindi pagsang-ayon ng bagong Pangulo sa pagkakaloob ng espesyal na pagtrato sa mga presidential flight upang hindi makaabala sa operasyon ng mga commercial airline.
“If anyone of us is given priority to take off, let’s thank them but we should follow everyone’s travail—let us all fall in line,” aniya.
Nangangamba si Duterte na posibleng malagay sa balag na alanganin ang ilang eroplano na walang “night flying capability” na maipit sa isang paliparan na walang mga ilaw sa runway, dahil sa pagkakaantala ng flight operation.
Ito ay bunsod ng plano ng bagong presidente ng bansa na madalas mag-uwian sa Maynila at Davao City lulan ng commercial flight.
Subalit sa kasalukuyan, sinabi ni Duterte na pansamantalang sasakay siya ng mga pribadong eroplano na iniaalok ng kanyang mga kaalyado. (Genalyn D. Kabiling)