AMY AT JANE copy

GAGANAP si Jane Oineza bilang batang walang permanenteng tirahan ngunit gagawin ang lahat upang makapagtapos ng pag-aaral sa Maalaala Mo Kaya na mapapanood ngayong gabi.

Lumaki man sa mga kalsada ng Quiapo kasama ang kanyang mga magulang na sina Sallie (Amy Austria) at Bong (Simon Ibarra), determinado si Naning (Jane) na tapusin ang kanyang edukasyon para matupad ang kanyang pangarap na magkaroon sila ng magandang buhay at tirahan.

Hindi naging madali ang buhay para kay Naning. Inabandona siya noong bata pa siya ng kanyang totoong nanay na si Christina (Jed Montero). Saksi rin siya sa matinding away nina Sallie at Bong dahil sa pangangaliwa ni Bong.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kahit na napakaraming pinagdadaanan, nagsumikap si Naning at naghanap ng trabaho para makapag-aral sila ng kanyang kapatid. Nakaabot sila ng highs chool pero naisip ni Naning na baka hanggang doon na lang sila at hindi na makakatapak pa ng kolehiyo.

Nakita ng photographer na si Rick (Juan Rodrigo) si Naning na nag-aaral sa bangketa. Nakita nito ang pagsusumikap ni Naning na makapag-aral kaya’t nagdesisyon siyang ibahagi sa publiko ang kuwento ni Naning. Ikinalat ni Rick ang mga litrato ni Naning sa social media at agad itong nag-viral na sinundan ng mga mensahe ng suporta para kay Naning.

Makatulong kaya ang netizens kay Naning para magkaroon siya ng mabuting buhay?

Kasama sa upcoming episode ng MMK sina Celine Lim, Rhed Bustamante at Althea Guanzon l, mula sa panulat ni Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Raz de la Torre. Ang MMK ay likha ng business unit na pinamumunuan ni Malou Santos.

Samahan ang MMK sa paggawa ng mas maganda pang mga alaala sa ika-25 anibersaryo nito at bisitahin ang mmk.abs-cbn.com. Huwag itong palampasin tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable Ch 167). Panoorin nang libre ang latest episodes nito sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.