NAIDAOS ang paghahalal ng susunod na pangulo ng bansa, at pinuri ang Commission on Elections (Comelec) sa mahusay nitong trabaho, ngunit napapagitna ngayon ang komisyon sa kontrobersiya sa mismong pamunuan nito na maaaring makaapekto sa paghahanda para sa susunod na halalan—ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre.
Sa isang pambihirang hakbangin, lumagda ang anim na komisyuner sa isang memorandum na naglalahad ng napakaraming usapin laban kay Chairman Andres Bautista na, anila, ay nagbunsod ng “failure of leadership”. Nasa Japan noong nakaraang linggo, sinabi ni Chairman Bautista na hindi siya makapaniwalang magkakaroon ng nasabing konklusyon ang anim na komisyuner pagkatapos ng eleksiyon noong Mayo 9 “which most believe was the fastest, most organized, and successful elections in Philippine history.”
Sa maraming usaping inilahad sa memorandum, isa ang malinaw na usapin lang sa proseso—ang kawalan ng advance agenda para sa mga pulong ng en banc na maaaring pag-aralan at paghandaan ng mga komisyuner. Importante rin ang akusasyon sa pagkakaantala ng bayad sa maraming guro na nagsilbi sa katatapos na halalan, na itinanggi ni Bautisa, sinabing 99.8 porsiyento ng mga nagtrabaho sa halalan ay nabayaran na.
Inakusahan din ang chairman ng pagsasagawa ang mga unilateral announcement sa mga isyung dapat na desisyunan ng buong pamunuan ng Comelec, gaya ng pagpapaliban sa Barangay at SK elections. Lumagda rin umano siya sa memorandums of agreement sa ilang shopping mall na binalak na gawing mga voting center; tinanggihan ng Comelec en banc ang plano ilang araw bago ang eleksiyon, ngunit dahil pirmado na ang mga kasunduan, isang mall ang naniningil ngayon sa Comelec ng mahigit isang milyong piso.
Kapag nagharap at nagpulong na ang chairman at ang anim pang kasapi ng komisyon upang resolbahin ang kanilang mga hindi pinagkakasunduan, kakailanganin din nilang magpasya sa ilang election protests at ang kaso ng manipulasyon sa mga boto sa quick count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting, na iniharap ng party-list organization na CONSLA. Kailangan ang masusing imbestigasyon sa mga kasong ito.
Nagbalik na mula sa Japan, sinabi ni Chairman Bautista na handa siyang sagutin ang lahat ng usaping ibinabato laban sa kanya. Tunay na pambihira na ang anumang hindi pagkakaunawaan ay aabot sa puntong magkakaisa ang anim na Comelec commissioner sa isang memorandum na bumabatikos sa kanilang chairman. Mahusay nilang nairaos ang halalan noong Mayo 9 at kailangan na ngayong magpakaabala para sa isasagawang Barangay at SK elections apat na buwan na lang mula ngayon.
Tunay na maaari nilang pag-usapan ang anumang hindi nila pinagkakasunduan at pagpasyahan ang mga nakabimbing usapin nang isinasaalang-alang ang pambansang interes, na karapat-dapat lamang sa isang respetado at malayang constitutional body na tulad ng Commission on Elections.