Nakisosyo sa maagang liderato ang pre-season favorite Arellano University matapos gapiin ang San Sebastian College,99-81, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament, sa San Juan Arena.

Muntik nang magtala ng triple double performance ang backcourt tandem nina Jiovani Jalalon at Kent Salado upang pangunahan ang ikalawang panalo ng Chiefs para makapantay sa San Beda sa pangunguna.

Tumapos si Jalalon na may game-high 31 puntos, 11 assist, walong steal at tatlong rebound, habang nagtala si Salado ng 17 puntos, limang rebound, anim na assist at isang steal.

Nagdagdag naman si Dioncee Holts ng 16 na puntos , kabilang ang 10 sa final period habang tumapos ng double-double si rookie Lervin Flores na may 10 puntos at 13 rebound.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna sa Stags, bumagsak sa 1-1 marka, si Ryan Costelo at Alvin Capobres na may15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“Masuwerte kami na meron kaming mga players na gaya nitong dalawa (Jalalon at Salado) na kahit hindi mo na bigyan ng instruction alam ang diskarte sa loob,” papuri ni coach Jerry Codiñera sa kanyang dalawang key player.

Sa pangunguna nina Jalalon at Salado, tumapos ang Chiefs na may 29 na fastbreak point kumpara sa 14 ng Stags.

Bukod dito, napuwersa rin nila ang San Sebastian sa 37 turnover. (Marivic Awitan)