Pinatawan ng Sandiganbayan First Division ng limang taong pagkakakulong ang limang dating opisyal at kawani ng Department of Finance (DoF) matapos mapatunayang guilty sa pagkakasangkot sa tax credit scam noong 1997 hanggang 1998.
Sa 83-pahinang desisyon, kabilang sa mga napatunayang guilty sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina dating Deputy Executive Director Uldarico Andutan Jr., sa pitong bilang ng graft; Mariam Tasarra, officer-in-charge ng Garment Division, pitong bilang; ang mga dating evaluator na sina Gladys Olano, Irene Magbojos, at Lucila Cuete, tigalawang bilang ng graft.
Hinatulan din sa pitong bilang ng graft si Kuldip Singh, board chairman at pangulo ng J.K. Apparel and United Apparel mula 1993 hanggang 1997.
Pinagbawalan na rin ang mga sinentensiyahan na humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.
Intasan din ng korte sina Andutan, Tassara at Singh na isauli ang P9,699,639 sa national treasure habang ang iba ay pinagbabayad ng mas maliit na halaga.
“By granting J.K. Apparel and United Apparel tax credits when none should have been given, the conspirators unjustifiably reduced the government coffer,” nakasaad sa desisyon na isinulat ni Chairperson Efren dela Cruz at kinatigan nina Associate Justices Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos.
Ang mga tax credit certificate (TCC) ay ibinibigay sa mga kuwalipikadong grupo na gumagamit ng imported o lokal na materyales, at ginagamit ang mga ito sa paggawa ng bagong produkto na ibinebenta sa ibang bansa. (Jeffrey G. Damicog)