Aabot sa 200 katao na aminadong gumagamit o nagtutulak ng ilegal na droga ang kusang sumuko sa Mandaluyong City at nangakong ititigil na ang kanilang ilegal na gawin kasunod ng babala ng administrasyong Duterte.
Ayon sa mga opisyal, ilan sa 238 ay naimbitahan ng awtoridad na magbagong-buhay sa ilalim ng “Oplan Tokhang” na ipinatutupad ng Mandaluyong City Police, gaya ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa operasyon ng ilegal na droga at pagdalo sa seminar upang matuldukan na ang pagkalulong sa naturang bisyo.
Nagtipun-tipon ang mga sumuko sa Maysilo Gymnasium kahapon ng umaga at sumailalim sa orientation program bilang bahagi ng rehabilitasyon para sa mga lulong sa droga. Ang programa ay pinangasiwaan ng grupong Narcotics Anonymous.
Ipinaliwanag ni Supt. Joaquin Alva, hepe ng Mandaluyong City Police Station, na ang “Tokhang” ay salitang Davaeño na nangangahulugang “kumakatok sa bahay-bahay” upang paalalahanan o kumustahin ang mga residente.
“In-invite natin sila rito. Sabi naming, kung gusto n’yo ng pagbabago; siyempre may konting pangaral din na tigilan na ninyo ‘yan...hindi po ito sapilitan,” pahayag ni Alva.
Ang 238 sumuko ay nagmula sa 27 barangay na inobligang punan ang isang information sheet na roon nakasaad ang uri ng ilegal na droga na kanilang ginagamit at anong edad sila nag-umpisang malulong sa naturang bisyo. (Jenny F. Manongdo)