Bilang pabaon sa pagbaba sa tungkulin ni PDEA Dir. Gen. Undersecretary Arturo Cacdac kahapon, natiklo sa magkakahiwalay na buy–bust operation ang isang shabu queen, tulak na senior citizen, naipasara ang tatlong drug den at nasamsam ang P2.5 milyong halaga ng shabu.
Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency, kinilala ang natiklong shabu queen na si Michelle G. Lorida, 23, ng Gapan, Nueva Ecija. Si Londa ay nasukol ng mga awtoridad dakong 1:27 ng hapon sa buy-bust operation ng PDEA Regional Office 3 (PDEA RO3) sa Barangay Pambuan.
Sa South Cotabato, naaresto habang nagtutulak ng marijuana si Eduardo Heraod, 65, ng Sitio Canteen, Bgy. Laconon, T’Boli, South Cotabato.
Tatlong drug den ang ipinasara at nasamsam ang P2.5 milyong halaga ng shabu, mga drug paraphernalia at mga baril sa Pampanga kamakalawa ng gabi. Nahuli sa nasabing operasyon si Edgardo Urgel y Maico, 43, ng Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Cacdac, ang mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 (Comprehensive Drug Act of 2002). (Jun Fabon)