Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

12 n.t. -- Arellano vs San Sebastian

2 n.h. -- St.Benilde vs Letran

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

4 n.h. -- JRU vs Perpetual Help

Naisalba ng defending champion San Beda College ang matikas na pakikihamok ng Lyceum of the Philippines para maitarak ang 97-88 panalo kahapon, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa juniors division ng NCAA Season 92 basketball tournament sa San Juan Arena.

Kahanga-hanga ang fast break play ng Red Cubs, sa pangunguna nina Carlo Obenza, Ed Velasquez at Joshua Tagala para makawala sa dikitang laban at kunin ang 80-67 bentahe tungo sa pagtatapos ng third period.

Sa final period, hindi na nakaporma ang Junior Pirates, sapat para makuha ng Red Cubs ang ikalawang sunod na panalo at patatagin ang kampanya para sa ikawalong sunod na kampeonato sa pinakamatandang liga sa bansa.

Nanguna sa San Beda si Velasquez na may 17 puntos, kasunod si Evan Nelle na may 16 na puntos.

Kumubra naman ng 23 puntos si Mclaude Guadana para sa Lyceum.

Nauna rito, ginapi ng Mapua Malayan High School ang CSB- La Salle Greenhills,94-78, para makisosyo sa San Beda sa maagang liderato.

Nagposte ng 24 na puntos si Romel Junsay at 23 puntos naman si Jasper Salenga upang pangunahan ang panalo ng Red Robins.

Sa pagpapatuloy ng aksiyon sa seniors division ngayon, tatangkain ng pre-season favorite Arellano University at ng San Sebastian College na humanay sa liderato kung saan nakaluklok ngayon ang San Beda at Mapua sa pagtutuos sa pambungad na laro sa ganap na 12:00 ng tanghali.

Tinalo ng Chiefs, sa pamumuno nina Jiovani Jalalon, Kent Salado at Lervin Flores, ang University of Perpetual Help Alta’s ,83-78, habang ginapi ng Stags ang College of St.Benilde Blazers, 54-49 noong nakaraang Hunyo 26.

Sa ikalawang laro, ganap na 2:00 ng hapon, tatangkain naman ng defending champion Letran na makapagtala ng back- to- back win kasunod ng naitalang panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa ikalawa nilang laro matapos mabigo sa San Beda Red Lions sa opening day.

Makakasagupa nila ang winless pa ring Blazers na nabigo sa unang dalawang laro kontra San Sebastian at Mapua.

(Marivic Awitan)