SA unang pagkakataon sa ating kasaysayan, isang provincial city mayor ang bagong Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Ang pangalan niya ay Rodrigo Roa Duterte ng Davao, na parte ng Mindanao—malayung-malayo mula sa Maynila.

Nagsimula si Duterte sa kanyang panunungkulan bilang Pangulo makalipas ang 12:00 ng tanghali, kahapon. Ang bagong tagapamuno ng bansa ay prangka, simple, makatao, at matapang. Ang kanyang kababaang loob, magandang hangarin, at kakayahan ay mahaharap sa realidad.

Tayo, na kabilang sa iisang bansa, isang lahi, isang Pilipinas, ay kinakailangang magtulungan para sa pagbabago.

Sama-sama tayong tumayo upang iangat ang pagbabago, at iwagayway ang bandila ng ating bansa.

Tulungan nating lahat si Pangulong Duterte na ayusin ang institusyon, gaya ng presidency, judiciary, ang Commission on Elections, at iba pang sangay ng gobyerno.

Buong puso nating yakapin ang federalism na isinulong nina dating Senate President Nene Pimentel, dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, at iba pang tagasuporta ng PDP-Laban.

Sa tradisyon, at kahit sa ibang bansa na kontrolado ng sistema at paniniwala, ang press at tagapamuno ng estado ay may iisang responsibilidad na gampanin—ang proteksiyunan ang kapakanan ng mamamayan.

Umaasa kami kay dating Gov. Joey Salceda ng Albay, na muling sumabak sa House of Representatives bilang congressman ng Albay, na palalaganapin niya ang kanyang adbokasiya at ibahagi ang kanyang mga karanasan para sa ikauunlad ng buong bansa. Sa pagkakakilala ko sa isang Bicolano leader, sa tingin ko ay siya ang mamumuno sa mga inisyatiba para sa pagbabago; mula sa political system ay magiging federalism.

Sinabi sa akin ni Dione Salme ng Boracay Foundation, Inc. (BFI) sa telepono na ang Boracay stakeholders ay hindi sang-ayon sa pagpapatayo ng dalawang kilometrong tulay na magkokonekta sa sikat na isla patungong Panay.

Sinabi niya na sa tingin ng mga stakeholder ay mawawala ang ganda ng isla kapag kinonekta ito sa Panay na siyang iminungkahi ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation.

Upang maging matagumpay ang bagong administrasyon sa pagpapakilala ng reporma, kinakailangang gamitin ang ating lingguwahe, gaya ng ginawa ng Indonesia.

Masaya ako na nakilala ko kamakailan si Waldy Carbonnel, gayundin sina presidential chief legal counsel Sal Panelo at Engr. Greg Enriquez, pinaunlakan ni Waldy ang pagdiriwang ng aking kaarawan. Wala pa ring pinagbago si Waldy, una kong nakilala 49 na taon na ang nakalilipas sa national convention ng Federation of Provincial Press Clubs sa Legaspi City, matalas pa rin ang kanyang pag-iisip. (Johnny Dayang)