MAY mensahe si Pangulong Duterte para sa lahat sa kanyang inaugural speech kahapon.
Para sa mga karaniwang mamamayan na matagal nang nasasaksihan ang mga problemang nakapeperhuwisyo sa bansa—ang kurapsiyon, kriminalidad, ilegal na droga, pagsuway sa batas at kaayusan—sinabi niyang kailangan matigil ang lahat ng ito, sa anumang paraang pinahihintulutan ng batas.
Para sa mga nangangamba sa kanyang hindi pangkaraniwang paraan ng pagsugpo sa krimen, sinabi niyang maaaring nasa limitasyon na siya ng ilegal, pero tiniyak niyang, “I know the limits of power and authority of the President. I know what is legal and what is not. My adherence to due process and the rule of law is uncompromising.”
Para sa mga naglilingkod sa pamahalaan, ipinag-utos niyang bawasan ang requirements at ang nagugugol na oras sa pagpoproseso ng lahat ng aplikasyon, para sa pagiging tapat at pagtalima sa mga patakaran sa mga kontrata, proyekto, at transaksiyon.
Para sa mamamayang Moro, buong lugod niyang tinanggap ang pagtugon ng mga ito sa ipinanawagan niyang kapayapaan.
Tiniyak niyang tutupad siya sa lahat ng nilagdaang kasunduang pangkapayapaan na ibinatay sa mga repormang legal at naaayon sa batas. Siniguro rin niya ang pagkakabilang ng lahat ng katutubo sa prosesong pangkapayapaan.
At para sa mga bansa sa mundo, binigyang-diin niyang irerespeto ng Pilipinas ang lahat ng tratado at pandaigdigang obligasyon nito.
Inilahad ni Pangulong Duterte ang kanyang maiksing talumpati pagkatapos ng isang simpleng panunumpa sa tungkulin sa harap ng nasa 600 panauhin sa Rizal Hall ng Malacañang. Naiiba ito sa mga naunang inagurasyon, na karamihan ay idinaos sa Quirino Grandstand sa Rizal Park.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nagtanong siya. “I am here because I love my country and I love the people of the Philippines…. Because I am ready to start my work for the nation.”
Ito, sa kabuuan, ang naging mensahe ng bagong presidente sa ating bansa at sa buong mundo. Ilang beses na niyang idineklara na magpapatupad siya ng mga pagbabago sa gobyerno sa layuning ibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan. Hiniling niyang makiisa ang publiko sa mga gagawin niyang pagsisikap para sa pagbabago dahil wala aniyang pinuno, gaano man kalakas, ang magtatagumpay kung hindi makikipagtulungan ang mamamayan.
Handa na siya ngayong magtrabaho para sa bansa. Kaakibat ang ipinangakong pagbabago, nagsimula na ang administrasyong Duterte.