Nagpahayag kahapon ng kumpiyansa si Senator Ferdinand “Bongbong’’ R. Marcos, Jr. na siya pa rin ang ipoproklama ng Korte Suprema, na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET), bilang nahalal na bise presidente sa katatapos na eleksiyon.

Ito ang inihayag kahapon ni Marcos matapos siyang maghain nitong Miyerkules ng election protest na kumukuwestiyon sa panalo ni Vice President Leni Robredo.

Aniya, magiging makasaysayan ang magiging desisyon sa kanyang election protest laban kay Robredo, na nanumpa na sa tungkulin kahapon ng umaga bilang pangalawang pangulo ng bansa.

Dahil sa sangkatutak na ebidensiyang hawak ng kanyang kampo, sinabi ni Marcos na tiwala siyang pawawalang-bisa ng kanyang petisyon ang proklamasyon kay Robredo at kalaunan ay siya ang idedeklara bilang pangalawang pangulo ng bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I am confident that this is a precedent setting case (at) malakas ang loob ko. Malaki ang kumpiyansa ko na hindi tatagal, katulad ng iba, dahil iba ang approach namin at pangalawa, ngayon lang tayo nakakita ng ganito karaming ebidensiya dahil napaka-blatant talaga ng ginagawa na pandaraya sa halalan sa pagka-bise presidente,” sabi ni Marcos.

“I would like to add something, hindi lang ang mga grupo na sumuporta sa akin ang gustong tumulong, meron kaming natatanggap na sulat na ang cover letter sinasabing ‘hindi kita ibinoto pero alam kong dinaya ka kaya’t eto ang mga ebidensiya na nakita ko na ipinapadala ko sa inyo, baka makatulong sa inyo.

Kaya nakikita natin hindi na ito tungkol sa akin, ito ay tungkol na sa milyun-milyong boto na winala at sa mga milyun-milyong botante kung kaninong mga boses ay hindi narinig ng ating Comelec, ng ating sistema ng halalan,” ani Marcos.

Batay sa kasaysayan, wala pang naresolbang election protest ang PET na pumabor sa naghain ng protesta.

(MARIO B. CASAYURAN)