DAPAT munang itigil ng mga pulis ang pagpatay sa mga taong sangkot sa droga. Aba, eh, sa huling talaan ay mahigit 50 na ang kanilang napapatay. Tama lamang ang nais mangyari ni Senador Sherwin Gatchalian na imbestigahan ang mga ito kung totoo na bunga ang mga ito ng engkuwentro o kaya napatay ang iba sa kanila dahil lumaban sila sa mga pulis habang inaaresto. Mahirap nga namang tanggapin ang nangyayaring ito gayong demokratikong lipunan tayo na nasa ilalim ng Rule of Law.
Iitsapuwera na natin ang Rule of Law at due process na nais mangyari ni Pangulong Digong sa hangarin niyang sugpuin ang ipinagbabawal na gamot, ito kayang walang habas na pagpatay na ginagawa ngayon ng mga pulis ang tamang lunas?
Kung sinasabi ni Pangulong Digong na may puso siya sa mahihirap, ipatigil niya ang mga pagpatay. Mga dukha ang biktima na tulak daw ng droga. Para ba silang mga kababayan natin, sa baligtad na posisyon, na nagpupumilit na makapagtrabaho sa ibang bansa kahit ilang beses na silang nabibiktima ng illegal recruiters hanggat mayroon pa silang magagawang paraan at hanggat maubos ang natitira pa nilang ari-arian. Kahit nagkawatak-watak na ang pamilya dahil ayaw payagan ng asawa na iwan sila para magtrabaho sa ibang bansa.
Totoo, talamak na ang pagbenta at paggamit ng droga. Ang mga matinding krimen ay nagagawa ng mga taong lulong dito.
Pero, hindi dahilan para lang masugpo ang ipinagbabawal na gamot ay patayin mo ang mga nagbebenta nito tulad ng pinapatay ngayon ng mga pulis. Parang epidemia rin ito gaya halimbawa ng dengue. Ang mabisang paraan ng pagsugpo ay hindi naman ang pagpatay ng mga lamok na nagkakalat nito. Ang dapat sinisira ay ang kanilang pinamumugaran.
Kung epidemiang maituturing ang droga, ang dapat na nakikita ng sambayanan na itinitimbuang ng mga pulis ay ang mga may-ari ng laboratoryo, ang gumagawa ng ilegal na gamot, ang nagpapatakbo ng tiangge at ang mga dayuhang nagpupuslit ng droga at ang mga taong tumatanggap nito sa ating bansa. Higit sa lahat, ang kasabwat nila sa gobyerno kaya nagagawa nila ito. Pansamantala mo lang nilalapatan ng lunas ang problema kung ang pinapatay mo ay ang mga dukha sa squatter area. Pinalalala lang ng gobyerno ang kaapihang ginagawa nito sa kanyang mamamayan.