GENERAL SANTOS CITY – Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato ang istriktong pagpapatupad ng zoning program para sa tatlong lawa sa bayan ng Lake Sebu sa layuning matugunan ang fish kill sa lugar.
Sinabi ni Justina Navarrete, hepe ng South Cotabato Office of the Provincial Agriculturist (OPAG), nitong Huwebes na kasalukuyan silang nakikipagtulungan sa municipal government ng Lake Sebu upang maayos na maitakda ang zoning at regulasyon ng mga aktibidad sa mga lawa.
Sinabi niya na ang hakbang ay magtutuon sa pagtukoy at pagtalaga ng specific fish cage belts o mga lugar sa mga lawa ng Sebu, Seloton at Lahit.
“The overcrowding of the fish cages had been one of the identified causes of the fish kills so we’re now addressing that,” aniya.
Sa ilalim ng programa, sinabi ni Navarrete na ookupahin ng fish cage belt ang lugar, may 100 metro mula sa lake shore at papasok.
Ngunit ang unang 10 metro mula sa pampang ay dapat na walang harang dahil ito ay magsisilbing right-of-way ng mga lawa.
Ang iba pang lugar sa labas ng right-of-way at hindi sakop ng fish cage belt ay itatakda bilang libreng fishing zone, aniya.
Ipinakita sa mga record na ang bilang mga fish cage sa Lake Sebu, ang pinakamalaki sa tatlong lawa na may lawak na 354 na ektarya, ay umabot sa sukdulan sa nakalipas na dalawang taon sa 4,586 o 13 beses na higit sa kapasidad nito.
Nitong nakalipas na tatlong linggo, may 4,320 kilo ng tilapia sa mga lawa ng Seloton at Sebu ang nangamatay na isinisi sa “kamahong,” isang phenomenon na dulot ng biglaang pagtaas sa temperatura ng tubig.
Noong Abril at Mayo, tinatayang 10,800 kilo ng tilapia ang nangamatay dahil sa kamahong sa mga lawa ng Sebu at Seloton.
Iniulat ng municipal government ang unang fish kill noong Enero. (PNA)