Hiniling ng Confederation of Non-Stocks Savings and Loan Associations Inc. (CONSLA) Party-list group sa Commission on Elections (Comelec) ang mas masusing imbestigasyon hinggil sa umano’y discrepancy sa bilang ng mga boto ng Comelec at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa katatapos na eleksiyon.

Ayon kay Jose Emmanuel Hernandez, abogado ng CONSLA, hindi katanggap-tanggap ang “connectivity issues” na idinahilan ng church-based poll watchdog na PPCRV hinggil sa 342,082 discrepancy sa bilang ng mga botong natanggap ng kanilang grupo sa kasagsagan ng quick count.

Aniya, sa halip na matugunan ang isyu hinggil sa posibleng pagmanipula sa bilangan ng boto ay lalo lamang lumalalim ang isyu.

Dagdag pa niya, ang pag-amin ng PPCRV sa pagkabigo nitong subaybayan ang mga error sa kanilang idinaos na quick count operation noong halalan ay isang matibay na dahilan upang magsagawa ng masusing imbestigasyon ang Comelec sa isyu.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naniniwala rin ang CONSLA na dapat na mapanagot ang PPCRV sa mga pagkukulang nito at tuluyan nang pagbawalang lumahok sa mga susunod na election quick count operations.

Nauna rito, inireklamo ng CONSLA ang PPCRV matapos na sa mga unang bugso ng quick count nitong Mayo 9 ay nakakuha ang grupo ng 342,513 boto.

Dakong 11:00 ng umaga ng sumunod na araw ay tumaas ang boto nila sa 523,753 at umabot pa ng 555,896 pagsapit ng 12:00 ng tanghali, sanhi upang maokupa nila ang pang-14 na puwesto sa tally.

Ang naturang resulta ay mula umano sa transparency server ng Comelec, na napaskil sa Twitter feeds ng PPCRV.

Gayunman, sa final tally ng Comelec para sa party-list groups, lumitaw na nakakuha lamang ang CONSLA ng kabuuang 213,814 na boto, na labis na ipinagtataka ng grupo. (Mary Ann Santiago)